Bakit tayo nasasaktan? Bakit tayo iniiwan ng taong mahal natin ng walang dahilan?

Gabriela Ortega
is a Blogger/ Researcher in the Philippines

Bakit nga ba mas gusto nating mahalin ang mga taong hindi naman tayo mahal?

Nagtataka ka rin ba? Kung bakit may mga bagay tayong gustong gustong angkinin at may mga taong ayaw satin ngunit pilit pa rin nating ipinagsisiksikan ang sarili mapansin lang ito at mahalin din. Sabi nga nila andaming babae at lalake sa mundo at may mga taong nagkakagusto din sayo ngunit wala kang interes dito o mas binibigyan mo ng pansin ang taong ayaw, hindi ka gusto o ang masakit nito hindi ka nito kayang mahalin tulad ng pagmamahal na binibigay mo.
 
Gumawa ng pagaaral si Helen Fisher (Tagapanaliksik ng Ugali ng Tao) at ang kanyang mga kasamahan kung bakit nga ba mas pinipilit nating mahalin ang mga taong hindi naman tayo mahal. Sa kanilang eksperimento, gumamit sila ng functional MRI at tinignan ang utak ng labinlimang babae at lalaking estudyante sa kolehiyo. Ang mga taong ito ay may gusto na hindi naman sila gusto, kaparehang tinatanggihan o kasintahan na hindi kayang pantayan ang pagmamahal nila. Nagpakita sila ng dalawang larawan, ang unang larawan ay litrato ng kanilang minamahal at ang pangalawa ay isang ordinaryong tao, kakilala o kapamilya. Ayon sa pagsusuri, walang reaksyon ang utak sa ordinaryong litrato. Ngunit sa unang larawan, ang utak ay gumagalaw at nagbibigay buhay o sensasyon, motibasyon sa sarili, labis na pananabik, pagkagumon, pagkaramdam ng pisikal na sakit at pagkabalisa.Noong 2010, inilathala sa Journal of Neurophysiology na ang mga taong ito ay inihahalintulad  sa drug addiction. Sinasabing ang drug ay ang taong hindi ka mahal o ang pagkalulon mo sa taong hindi kayang suklian ang ibinibigay mong tiwala at atensyon.
 
Ang mga sumusunod ay ang mga sinasabing dahilan kung bakit ipinagpipilitan ang sarili sa taong ayaw naman sayo:
 
1. Ang istilong pagkagiliw - ito ay malaking impluwensya kung bakit pilit mong pinagsisiksikan ng iyong sarili sa hindi ka mahal. Ito ang sitwasyon kung saan nakokontento ka na makasama ang taong nagbibigay ng pananakit ng iyong puso at damdamin. Marahil ikaw ay lumaking namamalimos ng atensyon sa iyong mga magulang o kapatid at ang sitwasyong iyon ay kaparehas ng iyong karanasan. Kaya naman okey lang sayo na ikaw lang ang nagmamahal. Tatanggapin ito ng iyong utak bilang normal ngunit tandaan na ito ay talagang hindi pangkaraniwan dahil magdudulot ito ng pait at sakit sa iyong kalooban na pwede mong kimkimin kalaunan o habang buhay. Mainam na kumonsulta sa doktor o humingi ng tulong kung kinakailangan. Ang tahanan o kapamilya ay may malaking epekto sa paghubog ng iyong katauhan kaya naman mahalaga na may maayos na komunikasyon sa bawat miyembro ng pamilya.
 
2. Paghihinagpis sa isang tao - inihahalintulad ito sa isang mamahaling perlas na mahirap at mahal bilhin. Nagiging hamon din sa iyo kung ang iniibig o nagugustuhan ay may kapareha o kasintahan na. Kapag tumataas ang halaga at tingin sa taong gusto mo, ito ang magiging dahilan upang maging interesado at maging hamon na magpursiging patunayan ang sarili at gawin ang lahat ng makakaya maiparamdam lang at maipakita ang pagmamahal mo kahit ayaw pa sayo o taken na.
 
3. Ang patunayan sa sarili na karapat dapat kang mahalin - ang tao ay kadalasang nagkakagusto sa mga lalaki o babae na may kabaliktaran ng kanilang pagkatao, personalidad o paguugali. Nagbibigay ito ng karagdagang  pananabik na patunayan ang sarili  at pagtakpan ang mga kahinaan o gamitin ang kapareha upang maibsan ang kakulangan. Ito rin ang tinatawag na projection o pagkubli ng tunay na katauhan sa Psychology kung saan hinahangaan mo ang isang personalidad dahilan ng pagkagusto mo sa taong napupusuan.
 
4. Gusto mo ng madramang buhay - para sayo ang pantasya ay mas importante kaysa sa tunay na kaligahayan. Karamihan sa atin ay naaadik sa mga drama pero ito ay ginagamit na istilo upang magkaroon ng delay sa pagharap sa tunay na pangyayari at nararamdaman. Ikaw ay may nahihirapan o may problema na tanggapin o harapin agad ang katotohanan kaya naman magmamaang-maangan o ipagsasawalang bahala na lamang.
 
5. Takot sa tunay na pangako at pagmamahal - may mga taong pinipiling mahalin ang mga taong hindi sila mahal dahil sa takot at layuning protektahan ang sarili at ang saloobin. Ito ay mga taong nakaranas ng matinding pagkabigo o trauma sa pagmamahal. Sinasabing may sensasyon sa pagibig ngunit walang takot na dala dahil sa simula palang alam na nila ang kahihinatnan.
 
6. Mga kabiguan at hindi magandang karanasan ng nakaraan - ito ay dahilan ng hindi magandang takbo ng naunang estado ng relasyon mo sa dating kasintahan, hindi sapat at kulang na atensyon mula sa kapamilya at kaibigan kaya naman iniisip mo na ito ay ang iyong karma at tatanggapin na lamang ito. Tandaan na lahat ng bagay o pangyayari ay may dahilan at may mapupulot na aral. Huwag isipin na ito ay kaparusan o karugtong ng iyong nakaraan. Nasa iyong kontrol at kamay kung mananatili sa ganitong sitwasyon o gagawa ng paraan mabago lang ang kapalaran.
 
7. Pananabik sa taong nakarelasyon o naudlot na pagmamahalan – ikaw ay nananabik sa tao, oras na ginugol, mga mensahe sa celphone, kwentuhan at samahan, maging sa sensuwal na karanasan sa iyong dating kasintahan. Sa kadahilanang ito, ang iyong utak ay magiisip o magninilay na sana nasuklian ang iyong pagmamahal at dahil dito mabubuhay ulit ang pagkahumaling at ang pagasang mahalin ka din nito.
 
Tunay nga naman na ang pagibig ay nagsisimula sa sarili. Kailangang matutunang mahalin ang kalakasan o kahit ano pa mang kahinaang meron ka. Tanggapin ito ng buo upang makamtan ang tunay na kaligayahan at maibahagi ang pagmamahal na ito ng busilak at walang pagaalinlangan.

About the author

Gabriela Ortega

I'm a freelance blogger, and an aspiring author. Graduate of De La Salle University.
Profession: Blogger/ Researcher
Philippines , Metro Manila , Makati
Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)