Katulad ng iba pang mga bansang pinamumunuan ng mga Muslim, ang Qatar ay marami ring dapat at hindi dapat na gawin na ipinapatupad nila sa kanilang bansa. Para sa ikabubuti at ikapapayapa ng mga naninirahan dito, lalong dapat itong sundin ng mga naninirahan sa bansa na hindi lokal, partikular na ang mga kababayan nating Pilipino.
Sa lumalagong kamalayan at oryentasyon ng kasalukyang henerasyon, nagbabago rin ang kultural na kaugalian at nakakasanayang gawin. Higit na kilala ang terminong “millenials” bilang pantukoy sa mga kabataan ngayon na mas namulat at lumaki sa progresibong teknolohiya at mga makabagong pamamaraan ng pamumuhay. Habang ang mga Pilipinong millennial na ito ay nananatili sa ibang bansa, hindi maiiwasan na makigaya sa mga uso upang maging “in” sa kinabibilangang grupo. Ngunit, para sa isang kabataang bago lamang sa bansa at kultura ng Qatar, o sa mga bansa sa Middle East, narito ang ilan sa mga dapat at hindi dapat gawin na kailangan tandaan upang hindi malagay sa alanganin ang reputasyon ang pagiging Pilipino.
DO’S
· Palaging Rumespeto sa Kultura ng Ibang Lahi
Sa lahat ng aspeto ay kailangan ugaliin ng isang kabataang millennial ang pagbibigay galang sa lahat ng ibang lahi na kanyang makakasalamuha. Tandaan, tayo ang dayuhan sa paningin nila.
· Magdamit ng Naaayon sa Lugar
Konserbatibong bansa ang Qatar, kaya’t mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagsusuot ng alinmang mahahalay na damit sa pambabae, at mga hindi naaayong damit sa mga lalaki. Kahit na ano pa ang temperatura sa iyong kinalalagyan, magsuot ng damit na naaayon at maayos.
· Pagbati sa mga Lokal (Qatari)
Magandang kaugalian ang pagiging palakaibigan ng mga Pilipino sa buong mundo, kaya’t maganda ring ipakita ito sa mga simpleng pagtungo ng ulo o pagbati sa mga lokal sa Qatar kung sakaling makasalamuha, bilang respeto at pagbibigay galang na rin sa kanila.
· Humingi ng Tulong sa Nararapat na Tao
Kung nasa mapadpad sa mga lugar na hindi kabisado, o magkaroon ng problema habang labas, matutong magtanong sa pinakamalapit na officer o kahit kapwa Pilipino upang mabigyan ng tulong (halimbawa: nalilito sa direksyon ng lugar o di kaya ay may nawawalang gamit kagaya ng telepono). Huwag matatakot na magtanong dahil mas mabuti ito kaysa gumawa ng akyon na mas makakasama pa pala ang kahihinatnan. Matulungin ang mga tao sa Qatar at handa silang mag-abot ng kamay sa kahit na sino.
DON’TS
· Huwag Lalabas Nang Hindi Nagpapaalam sa Magulang
Isa sa mga paboritong gawin ng mga kabataan sa Qatar ay ang lumabas at pumunta sa mall kasama ang mga kaibigan, ngunit huwag itong gagawin kung walang pahintulot o paalam sa magulang dahil ibang bansa pa rin ang Qatar at maraming maaaring mangyari na hindi inaasahan. Ang mga batang mag-isa ay madalas inire-report o di kaya ay hinahanapan ng Qatar ID upang matiyak kung legal na residente ba o hindi.
· Hindi Dapat Umuwi ng Disoras ng Gabi
Walang curfew sa Qatar, ngunit may mga rumurondang mga pulis at kung mahuli ang isang indibidwal sa kalsada ng walang Qatar ID at sapat na dahilan kung bakit naroon sila ng ganoong oras, maaaring i-report sila o dalhin ito sa pulis.
· Huwag Basta-Basta Kukuha ng Larawan
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha ng mga larawan sa pampublikong lugar lalo na’t kung mayroong mga pulis, sundalo, opisyal, gobyernong gusali at tauhan, at mga lokal na Qatari. Kahit na uso ang pagse-selfie, kailangan maging maingat sa mga ito.
· Huwag Magpapakalasing at Gagamit ng mga Ipinagbabawal na Gamot
Regulado ang mga alak at ibang produkto kagaya ng sigarilyo sa Qatar, nangangailangan ito ng legal na permit at kaunting halaga lamang ang maaaring bilhin. Lalong lalo na ang mga ilegal na gamot at iba pang kauri sapagkat tiyak rito ang mahabang pagkakakulong at mabibigat na parusa.
Nararapat lamang na tandaan ito ng mga kabataang Pilipinong naninirahan sa Qatar, ganoon na rin sa mga bansa sa Middle East. Kailangan matutuhan ang pagsasantabi ng mga personal na kagustuhan upang masunod ang mga patakaran na siya rin namang mag-iiwas sa atin sa mga hindi magagandang kalalabasan. Tandaan, ang paninirahan sa ibang bansa ay nangangahulugan din ng matinding responsibilidad sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kulturang kasalukuyang kinabibilangan.