Dehado: Paano itigil ang pagiging talunan? Paano maiwasan ang Pagiging Loser?

Precious Gomez
is a Nurse in the Philippines

Bakit nga ba may mga taong talunan? Taong salat sa pera? Walang sinuman ang nagnanais na maging dehado sa buhay. Wala sa estado o hitsura ng tao ang pagkamit ng tagumpay. Ngunit hindi rin madali ang pagsungkit ng tagumpay. Hindi mo ito maihahalintulad sa pagguhit sa buhangin na kapag gusto mo ng burahin ay mawawala na sa isang iglap.

Iwasang magpakita o ipagkalat sa iba na isa kang talunan. Ipagsawalang bahala ang mga negatibong naririnig kontra sayo.

Narito ang 7 na mga hakbang sa sarili para maiwasan ang pagiging talunan. Bagkus magiging daan sa kaginhawaan.

1. Pagpapahalaga sa Sarili- Kung may isang bagay na maari mong gawin upang mapabuti ang iyong sarili, gawin mo ito.  Kung marunong ka magpahalaga at mag-respeto sa sarili, makukuha mo din ang respeto ng ibang tao. Hindi mo man masabi ang sariling saloobin sa iba, mahalaga na may tiwala at pahalaga ka sa sarili. Huwag kaawaan ang sarili at iwasang isipin na ikaw ay dehado.
Isipin mo mabuti ang mga mabuting bagay at ang kahalagahan mo. Isipin mo din ang mga bagay kung saan ka magaling at ang mga nagpapasaya sayo. Lahat ng tao ay may kakaibang kakayahan at talento. Kung hindi ka man mabigyan ng atensyon o “deadma” ka lang nila, ipag-sawalang bahala ito. Mag-pokus sa sariling mithiin sa buhay.
 
2. Saloobin- Kung nakakaramdam ka ng lungkot or depress ka, pinang-hihinaan ng loob, at nababagabag, subukan ang mga sumusunod na halimbawa:
-Kumuha ng isang pirasong papel.
- Gumuhit ng patayong linya sa gitna pababa. 
-Sa taas ng kabilang bahagi isulat ang salitang “cons" o negatibo.
-Isulat ang mga negatibong pag-uugali at pag-iisip.
-Samantala sa taas naman ng kabilang bahagi isulat ang salitang “pros" o positibo.
-Isulat dito ang mga positibong ugali at saloobin.
Para sa bawat kahinaan na isulat mo, subukan mong sumulat ng dalawang positibo. Tiyakin na mapuno ang bawat hanay.  Itigil at suriin ang isinulat sa bawat hanay. Dapat malamangan o matumbasan ang positibong katangian laban sa negatibong asal.
 
3. Gumawa ng iskedyul- Mahalaga na isulat ang iyong mga layunin o pangarap.  Ito ang magsisilbing gabay o ideya na mag uudyok sayo upang paalalahanan ang iyong sarili sa araw-araw. Gumawa ng eskedyul sa kalendaryo o talahanayan. Isulat ang oras at ang mga dapat gawin dito.  Isulat dito ang sumusunod:
-Oras para sa pag eehersisyo.
-Oras at araw para sa trabaho
-Pag-aaral
-Pagsasanay ng gitara at iba pa.
Maari din masira ang plano, pero ang araw-araw na iskedyul o talaarawan ang magsisilbing gabay at tulong. Masubaybayan din ang mga dapat gawin.  Ang pagtupad sa araw-araw na mga gawain ang tutulong sa iyo na maabot ang tagumpay. Mas mainam kung umabot ka ng apat na taon o mahigit pa sa pagtatala. Huwag kang titigil o hihinto hangga't hindi mo maabot ang mga layunin sa buhay.  Mula sa pagiging talunan patungo sa pagwagi sa buhay. Paisa-isang hakbang lang at makakarating ka din.
 
 
4. Pokus sa Gawain- Mas Mabuti na pagtuunan ng pansin ang isang bagay na sa tingin mo ay tama at gusto mo. Kaysa naman sa papalit-palit ng desisyon o paiba-iba ng landas ng tinatahak. Mag-laan ng oras at isipin mabuti ang mga susunod na hakbang bago ka kumilos. Iwasan na maging kampante sa sarili, lalo na kuing hindi ka sigurado sa gagawin o kahihinatnan nito.
Laging mag-concentrate sa mga importanteng gawain. Iwasang magpaliban ng mga gawain. Kung kaya mong tapusin ang gawain sa isang araw, tapusin mo na. Huwag masanay sa “mamaya” na salita. Itanong sa sarili kung ano ba talaga ang mga bagay na kailangang tapusin? Ikaw lang nakakaalam kung ano ang mga dapat mong gawin. Itala ang pina ka-top 5 mo na mahalagang gagawin sa loob ng isang araw.

5. Maglibang- Ang taong nagbibigay ng oras para sa sarili upang magawa ang mga bagay na gusto nila, ay may pagpapahalaga sa sarili. Malaking tulong ang pag-libang sa pagbuo ng tiwala at dagdag kumpyansa sa sarili. Subukang mag-enjoy at mamasyal paminsan-minsan. Mas makakatulong ang kalikasan kagaya ng maraming puno, presko at malamig na simoy ng hangin, at tabing dagat. Maari din gawin ang mga isport na gusto mo na magpapasaya sayo.
Mas maganda kung makisalamuha ka sa mga taong nakapaligid sayo.  Subukan din na magkaroon ng kasama sa pagbakasyon. Subukang makinig ng musika, magpatugtog ng piano, manuod ng telebisyon, mag-luto, magbasa ng libro at mga ibang pwedeng pagkakaabalahan. Subukan sumali sa mga grupo na sa tingin mo ay makakatulong sa sarili. Laging tandaan na ang paglalaro at paunuod ng telebisyon ay makapagdulot sayo ng kasiyahan, ngunit hindi makapagbigay ng pag-unlad sa sarili.

6. Aktibo Pisikal- Maniwala ka man o hindi, kung paano mo tratuhin ang pisikal mo na katawan ay nakakaapekto ito sa iyong damdamin.  Ang pag-ehersisyo ay napatunayang nakakapagtanggal ng mga kemikal sa utak kagaya ng kemikal na “Endorphins”. Sa pagtanggal ng endorphins, makakatulong ito upang maging positibo at magandang pakiramdam. Pagtuunan ng pansin ang pag-ehersisyo kahit sa kaunting oras lamang. Makakatulong ito para makaramdam ng ginhawa, tiwala at kasiglahan sa sarili. Bukod pa rito, ang pag-eehersisyo ay kilala din upang makaiwas sa depresyon.
Ang katangiang ito ang nagpapatunay na ang pag-eehersisyo ang mahusay na rekomendasyon para maayos ang sarili.  Hindi mo kailangan ng magandang katawan katulad ng mga propesyonal na atleta.  Mag ehersisyo ng dalawa o higit pa sa bawat lingo ay sapat na.

7. Tamang ugali- Ang pagkakaroon ng determinasyon, disiplina, tiyaga, at sikap ay mahalaga sa isang tao upang makamit ang tagumpay. Sa tingin mo ba madali lang magtagumpay? Sabi nga nila, mabilis magpataba pero mahirap magpapayat.  Karamihan sa mga tao ay talunan dahil ito ang pinakamadaling gawin. Hindi mo kailangan mag-isip o mahirapan. Tandaan, laging nakakabit ang kapahamakan kapag may galit sa puso. Kaya iwasan pagka-inggit at tanim ng galit sa kapwa. Bakit nga ba may mga tao na nagtatagumpay? Dahil nag-sikap sila at pinag-hirapan ang trabaho.

Habang bata pa, kumilos at huwag maging tamad.  Ang ating katawan, kaisipan, at enerhiya ay nagtatagal lamang ng 80 na taon. Hindi natin gugustuhin na pagsisihan ang mga maling nagawa dahil hindi mo binigay ang best mo. At dahil dyan, hindi matatawag na valid ang ganyang rason.
Laging tandaan walang taong perpekto ang nabubuhay dito sa mundo. Lahat tayo ay nagkakamali. Ngunit na sa iyo kung gusto mong bumangon at harapin ang buhay o hayaan mo ang sarili na malugmok sa negatibong kinasadlakan.

About the author

Precious Gomez

I am knowledgeable in the use of computer and online apps. I've done freelance article writing for more than 5 years. I am hard working. I still have a lot of things to learn and very open for training and guidance. Thank you so much for viewing my profile.
Profession: Nurse
Philippines , National Capital Region , Pasig
Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)