Ipinagpapalagay sa artikulong ito na may alam na ang mambabasa ukol sa mga place value, praksyon o hating-bilang at sa pagsusukat.
Ang desimal o decimal ay mga bilang na mas maliit sa isang buo. Ito ay mga numero na nakahiwalay sa buong numero o integer sa pamamagitan ng tuldok o decimal point. Halimbawa ng mga desimal ay ang mga sumusunod:
0.4
15.6
0.98
3.25
Bakit mahalagang pag-aralan natin ang mga desimal? Mahalagang pag-aralan ang mga desimal sapagkat mas magandang gamitin ang mga ito kung kailangan ng katiyakan sa pagbibigay ng sukat.
Samakatuwid, kung ang sukat ng isang lapis ay nasa pagitan ng lima (5) at anim (6) sentimetro, mas makabubuting maibigay ang saktong desimal upang malaman ang totoong haba nito. Ito ba ay 5.2, 5.4 o 5.8 sentimetro? Bagama’t lahat ng mga naibigay na sukat ay nasa pagitan ng ng lima (5) at anim (6) na sentimetro, iba-iba pa rin ang mga sukat na ito.
Ang mga numerong desimal ay maaari ring isulat bilang praksyon o hating-bilang. Ang mga desimal ay may denominator na may power ng sampu. Ang mga denominator na tinutukoy dito ay 10, 100, 1000 at 10,000.
Paano malalaman kung ano ang katumbas na praksyon ng isang desimal?
Narito ang mga praksyon na katumbas ng mga naibigay na halimbawa ng mga desimal sa itaas.
4/10
15 6/10
98/100
3 25/100
Ang pagsusulat ng praksyon mula sa desimal ay nakabatay sa place value. Halimbawa, sa numerong 5.123, ang numerong 1 ay nasa tenths place, ang 2 ay nasa hundredths, at ang 3 ay nasa thousandths place. Kung babalikan natin ang unang halimbawa na 0.4, ang desimal na 4 ay nasa tenths place, kaya’t kapag isusulat ito sa praksyon ay isusulat ang desimal sa numerator at ang 10 naman sa denominator. Dahil dito ang katumbas na desimal ng 0.4 ay 4/10.
Ang kaibahan naman ng ikalawang halimbawa na 15.6 ay may kasama itong buong numero o whole number na 15, subalit pareho lamang ang prosesong ating gagawin. Dahil ang 6 ay nasa tenths place, nangangahulugang maaaring isulat ang desimal na ito na may denominator na 10. Samakatuwid, ang 15.6 ay may katumbas na 15 at 6/10 o 15 6/10.
Paano naman kung ang desimal ay may higit pang numero?
Balikan ang ikatlong halimbawa na 0.98. Sa desimal na ito, ang 9 ay matatagpuan sa tenths place samantalang ang 8 ay matatagpuan sa hundredths place. Sa ganitong pagkakataon, gagamitin natin ang pinakahuling desimal sa kanan (8) bilang basehan ng ating pagsulat ng praksyon. Dahil ang 8 ay nasa hundredths place, maaaring isulat ang desimal na 0.98 bilang praksyon na may denominator na 100. Sa madaling sabi, ito ay katumbas ng 98/100.
Kaparehas din ang ginamit na proseso sa 3.25 na katumbas ng 3 25/100 sapagkat ang pinakadulong desimal ay nasa hundredths place rin. Huwag lamang kalilimutang isulat ang buong numero.