Madalas kung tayo ay bumibili ng isang bagay ay maliit na bahagi lamang ang nais nating bilhin. Halimbawa ay sinasabi natin na bigyan lamang tayo ng 1/2 kilong manok o kaya’y ¼ kilong sibuyas sa palengke. Ang mga ito ay tinatawag nating hating-bilang o praksyon.
Ang praksyon, hating-bilang o tinatawag nating fraction sa wikang Ingles ay nagpapakita ng parte o bahagi ng isang buong bagay. Samakatuwid, ang praksyon ay hindi maaaring lumagpas sa isa o mas malaki pa sa kabuuan. May dalawang bahagi ang praksyon: ang numero sa itaas ay tinatawag na numerator samantalang ang numero sa ilalim ay tinatawag na denominator.
Tingnan ang halimbawa sa baba.
Ang bilog ay hinati sa apat na bahagi. Ang isa sa apat na bahaging ito at kinulayan ng pula. Ibig sabihin, isa sa apat na bahagi ang may kulay pula. Kung ito ay isusulat bilang isang hating-bilang, ito ay magiging 1/4. Ang numerator o an numerong nasa ibabaw ay ang bilang ng parteng may kulay samantalang ang denominator ang magpapakita ng kabuuang bilang ng mga parte.
Halimbawa naman ay dinagdagan ng isa pa ang parteng may kulay katulad ng nasa ilalim. Ilang bahagi na ng kabuuan ang may kulay?
Dahil dalawang parte ng bilog ang may kulay pula, ang hating-bilang ay 2/4. Kung mas lalo ring susuriin ang larawan, mapapansin na ang 2/4 ay katumbas ng ½ o kalahati sa kadahilanang kapag kinalahati ang numerator at denominator ng 2/4 ay magiging magkatumbas ito ng ½.
Ano naman ang hating-bilang ng sumunod na larawan?
Tumpak! May tatlong bahagi na may kulay ang bilog at apat naman ang bilang ng lahat ng bahagi kaya ang hating-bilang na ito ay ¾. Subalit paano naman kung lahat ng bahagi ay may kulay?
Kung ang lahat ng bahagi ay may kulay, ang numerator ay magiging apat (4) samantalang ang denominator ay apat (4) din. Sa madaling-sabi, ang hating-bilang ay magiging 4/4. Kaya nga lang, sa pagkakataong ito, maaari na nating isulat ang ang hating-bilang bilang buo o isa (1) sapagkat lahat ng bahagi ay may kulay pula. Tandaan na kung ang numerator ay katumbas ng denominator, katulad ng 5/5, 2/2, 10/10 o 25/25 ang hating-bilang ay katumbas ng isa (1).