Ang bronchitis ay isang impeksyon sa daluyan ng hangin papunta sa baga. Halintulad sa karaniwang ubo at sipon, ito ay mas malala dahil ito ay lower respiratory infection, na tuwirang umaapekto sa baga. Dahil dito, mas mahalaga ang maagap na paglunas. Sa bronchitis, nagkakaroon ng pamamaga sa bronchi o bronchial tubes, na dinadaanan ng hangin mula sa lalagukan o trachea papasok sa baga. Sa Pilipinas, isa ito sa 10 pinakaraniwang sanhi ng pagkakasakit (morbidity) at pagkamatay (mortality).
Ang dalawang uri ng bronchitis ay ayon sa tagal ng pagkakasakit. Sa acute bronchitis, ang pagsibol ng karamdaman at paglunas nito ay panandalian, mula 10 hanggang 20 araw (3 linggo) lamang. Samantala, ang impeksyon sa chronic bronchitis at epekto nito ay nakikita sa sintomas na patuloy na nagaganap o pabalik-balik sa loob ng 3 buwan o higit pa. Dahil sa pagkakatulad nito sa simpleng ubo, madalas na hindi naipapakonsulta ang chronic bronchitis hanggang sa maging malala ito.
Paninigarilyo ang pinaka-karaniwang sanhi ng bronchitis. Maaari rin itong idulot ng virus o bacteria, at ng madalas na pagkalanghap ng usok, alikabok, o kemikal. Talamak ang sakit na bronchitis sa mga trabaho na may dust exposure o toxic substances exposure, tulad ng pagmimina, pagawaan o mga pabrika, at construction.
Ang mga karaniwang sintomas ng bronchitis ay ang sumusunod:
· Ubo
· Plema
· Lagnat (hindi madalas, ngunit maaaring sintomas ng trangkaso o pneumonia)
· Pamamaga ng lalamunan
· Pagbara ng ilong (runny/stuffy nose)
· Sakit ng ulo
· Matinding panghihina o panlulumo (fatigue)
· Pananakit ng katawan (malaise)
· Pagbigat o pagsakit ng dibdib
Ilan pa sa hindi madalas na sintomas sa bronchitis ay ang mga sumusunod:
· Kahirapan sa paghinga (dyspnea) at cyanosis (pagkulay-asul ng bibig at balat dahil sa kawalan ng daloy ng dugo)
· Pagsusuka at diarrhea
Nababawasan ang pagkakaroon ng bronchitis sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga environmental irritant na nagdudulot nito. Unang-una ang pagtigil sa paninigarilyo. Mainam rin ang pagpapalakas ng resistensya, pagkain ng masustansyang pagkain, at pag-iwas ng labis na pagpapagod. Ipinapayo rin ang pagbabakuna laban sa pneumococcus o influenza upang hindi madaling matablan ng mga virus o bacteria na sanhi ng sakit.
Ang paglunas sa bronchitis ay ayon din sa uri nito. Para sa acute bronchitis, maaaring bigyan ang pasyente ng mga gamot na pampaubo (expectorants) upang guminhawa ang paghinga. Pinapayo rin ang sapat na pahinga at tamang bentilasyon sa paligid. Mahalaga ang maagap na paglunas dito upang makaiwas ng mga komplikasyon tulad ng dagdag na impeksyon sa baga, pneumonia, pagtuloy sa chronic bronchitis, at pag-ubo ng dugo (hemoptysis). Ang paggaling sa acute bronchitis ay natatamo sa pagpatitibay ng resistensya. Samantala, ang malalang kaso ng bronchitis ay maaaring mangyari sa mga pasyente na may karamdaman sa puso o baga.
Sa chronic bronchitis, nilulunasan ang mga mas mabibigat na sintomas katulad ng bronchospasm (paninikip ng bronchi), maiksi o mahirap na paghinga (dyspnea), matagal na pag-ubo, at maingay na paghinga (wheezing). Batay sa sintomas na nararanasan, maaaring bigyan ang pasyente ng mga gamot para sa pagpapaluwag ng paghinga (bronchodilators), pagpapalakas sa immune system (corticosteroids), pagpapa-plema (mucolytics), pampaubo (expectorants), o pampatigil ng ubo (cough suppressants).