Rubella o German measles: Ano pagkakaiba ng Tigdas Hangin sa Tigdas? Ano pinagkaiba senyales, sintomas, sanhi, gamot at lunas?

Medical Team
is a Medical expert in United States

Ang German measles o rubella o tigdas-hangin – ay isang impeksyon na karaniwang umaapekto sa balat at kulani (lymph nodes). Ito ay dulot ng “rubella virus” (hindi parehong “virus” na nagsasanhi ng tigdas). Ang “rubella” ay napapasa sa iba sa paglanghap ng likidong may “virus”, na nakukuha mula pag-ubo at paghatsing.


Sanhi/Hinungdan ng Rubella o Tigdas Hangin
Ang tigdas-hangin ay sanhi ng “virus” na tinatawag na “togavirus”. Ito ay napapasa tulad rin ng sipon o trangkaso, sa pamamagitan ng pagtulo ng maliliit na likido mula sa ilong o ngala-ngala ng taong apektado. Kagaya ng naunang naihayag, ito ay naikakalat sa hangin sa pamamagitan ng paghatsing, pag-ubo o simpleng pakikipag-usap. Maaari mong makuha ang sakit kapag ikaw ay nagkaroon ng kontak sa mga likido, bagamat umaabot pa ng dalawa hanggang tatlong linggo bago ka makaramdam ng sintomas. Kapag ikaw ay may tigdas-hangin, maaari kang makahawa sa ibang tao isang lingo bago lumabas ang sintomas at hanggang apat na araw matapos lumabas ang unang mga pantal. Nararapat kang lumiban muna sa trabaho at skwelahan sa loob ng anim na araw matapos lumabas ang unang mga pantal upang maiwasang makahawa sa iba.



Sintomas/Mga Balatian ng Tigdas Hangin o Rubella
Ang mga sintomas ay karaniwang tumatagal ng tatlo hanggang pitong araw. Ang mga ito ay ang sumusunod: mababang lagnat, malinaw na sipon o baradong ilong, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pamamagang ng mga mata, pamamaga ng mga kulani, pagkakaroon ng mamula-mulang pantal na nagsisimulang lumabas sa mukha at kumakalat pababa sa katawan. Bagamat ang mga sintomas na ito ay hindi ganoon kaseryoso, nararapat na ipagbigay-alam mo ito sa iyong doktor ang karamdaman. Meron rin itong mga komplikasyon kapag napabayaan tulad ng pangmatagalang pananakit ng ulo, pananakit ng tenga, at paninigas ng leeg (stiff neck).

Gamot o Lunas/Tambal
Walang gamot na makakapagpaiksi sa takbo ng tigdas-hangin. Ang ilan sa sintomas ay nawawala sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig at pagpapababa ng pangingirot ng katawan at lagnat kung saan ginagamit ang paracetamol. Ang mga sintomas ay hindi ganoon kalala kaya kung minsan hindi na kailangan ng lunas. Subalit, ang mga doktor ay nagmumungkahi na ibuklod ka muna mula sa karamihan lalo na sa mga nagbubuntis. Kapag kasi nakakuha ka ng tigdas-hangin habang nagdadalang-tao, maaaring magkaroon ng “congenital rubella syndrome” ang iyong sanggol. Ang mga sintomas nito sa sanggol ay napakalubha tulad ng pagkakaroon ng problema sa pandinig, problema sa mata, abnormalidad sa puso at marami pang iba.

Paano maiwasan ang pagkakaroon ng Tigdas Hangin?
Ang pinakamainam na pamamaraan sa pag-iwas ng tigdas-hangin ay ang pagpapabakuna ng “measles, mumps, and rubella (MMR) vaccine”. Sa mga pambihirang pagkakataon na nagkakaroon ng tigdas-hangin ang sinuman sa inyo, narito ang mga simpleng gawain na dapat sundin. Dapat magpahinga ng sapat, uminom ng paracetamol kung nananakit ang katawan o nilalagnat at umiwas muna na makihalubilo sa ibang tao upang hindi makahawa lalo na sa mga buntis at mahina ang resistensya.

Ano pagkakaiba ng Tigdas sa Tigdas Hangin?
Ang measles (tigdas) at tigdas hangin o rubella (German measles), ay dalawa sa pinakamadalas maranasan ng mga bata. Magandang malaman ang pagkakaiba at pagkakahalintulad ng dalawa upang maging mas mapabilis ang paggaling ng apektado nito.

Ano ba ang measles o tigdas? Ang tigdas ay nakakahawang sakit na dala ng virus at nagdudulot ng kakaibang rashes na sa tigdas lamang makikita – mapupulang pantal pantal at patag lamang, hindi namamaga. Napapasa ang tigdas mula sa isang may sakit tungo sa isa pang tao sa pamamagitan ng direktang kontak sa sipon o plema ng may sakit. Pangkaraniwan sa may tigdas ang pagkakaroon ng rashes, lagnat at ubo.

Ano naman ang rubella o German measles? Ito rin ay sakit na dulot ng virus na nagdudulot ng lagnat at rashes. Tulad ng tigdas, nakakahawa rin ang rubella buhat ng kontak sa sipon o plema ng may sakit. Pawang may kaakibat na bakuna ang tigdas at rubella. Pareho rin silang hindi malulubhang karamdaman ngunit delikadong makatama sa mga nagdadalang-tao dahil pwedeng makaapekto sa paglaki at pagdevelop ng sanggol na nasa sinapupunan pa lamang. 

Anu-ano kaya ang sintomas ng tigdas at rubella? Parehong nagkakalagnat ang may tigdas at rubella ngunit karaniwang mababang lagnat lamang ang sa rubella. Kapwa rin nagkaka-rashes ang may tigdas at rubella. Ang kaibahan ay mas mapula, at hindi namamaga ang rashes ng tigdas. Maaari ring magpakita ng pamumula ng mata ang may tigdas samantalang ang may rubella ay nagkakaroon ng pananakit ng kasu-kasuan.

May pagkakahawig din kung paano ginagamot ang tigdas at tigdas hangin. Kinakailangan ang pag-inom ng mas maraming tubig at sapat na pahinga. Mawawala lamang ng kusa ang dalang sintomas ng sakit paglipas ng ilang araw depende kung walang komplikasyon. Madalas na komplikasyon ng mga sakit na ito ay ang pagkabingi at impeksyon sa tenga. Kung minsan ay mas malubhang karamdaman itong dala: tulad halimbawa ng pamamaga ng utak sa tigdas, at problema sa puso dulot ng rubella. Nakakahawa man ang dalawang sakit na ito, may bakuna para dito, libre, at makukuha sa kahit saang health center sa bansa.

Karagdagang impormasyon
Bilang parte ng pagsisikap na mapuksa ang Rubella, ang tinatawag na Rubella-Containing Vaccines (RCVs) kamakailan lamang ay ipinakilala sa Pilipinas. Dito sa bansa, dalawang dekada na ang lumilipas mula nang pumasok ang RCVs sa pribadong sektor. Ngunit dahil konti lamang ang sakop ng sektor na ito, may 5%-10% ng populasyon lamang ang inabot nito at ang karamihan ay kulang sa kaalaman. Taong 2010 nang mapasama ang RCVs sa Expanded Program of Immunizarion (EPI) ng bansa at simula noong 2011 ay binibigay sa lahat ng sanggol edad 12 buwan. Tulad ng tigdas, maigi rin ang pagmamatyag sa mga kaso ng rubella. Kaya naman simula 2015, sa pamamagitan ng programa ng imunisasyon sa mga paaralan, ang mga kabataan ay nabigyan ng ikalawang bakuna ng RCV pagpasok nila sa eskwela (edad 7 taon) upang masiguradong sila ay nakakatanggap ng hindi bababa sa dalawang bakuna ng RCVs. Kung pag-uusapan naman ang mga matatanda, walang libreng bakuna ng RCVs. Ang mga buntis rin na delikadong dapuan ng rubella ay hindi kinakailang sumalang para sa sreening ng naturang sakit.

Ayon sa mga pag-aaral, ang rubella, pati ang “Congenital Rubella Syndrome (CRS)”, ay hindi dapat ipagsawalang-bahala dahil nakakapagdulot ito ng “congenital defects”, halimbawa ang pagkabingi ng bata buhat ng nasa sinapupunan pa lamang. Sa bansa, tinatayang may 100-149 na kaso ng CRS kada 1000 pinapanganak na sanggol sa isang taon. Ito ay nangangahulugang sa bawat 10 sanggol, isa o dalawa ang maaaring magkaroon ng problema sa pandinig o iba pang depekto sa katawan. Kung pagbabasehan ang statistika, noong 1980s, may mataas na bilang ng mga inang madaling dapuan ng rubella. Kaya naman marami ring pagbubuntis ang nasa delikadong kondisyon. Taong 2002, marami pa ring kababaihan ang naitalang “susceptible” sa rubella. Kung titingnan ang numero ay nasa 37% at ang mga ito ay mula sa mga lungsod. Mula 1980s hanggang 2002, mahigit dalawang dekada ang nakalipas, masasabing wala pa ring masyadong pagbabago sa bilang ng pagbaba ng kaso ng rubella. Kung iisipin, ito ay marahil bago pa lamang pinakilala ang RCVs sa publiko at taong 2010 lamang nang ibigay ito sa mga kabataan. 

References: 
Centers for Disease Control and Prevention. (2017, September 15). Rubella signs and symptoms. Retrieved from: https://www.cdc.gov/rubella/about/symptoms.html
World Health Organization. (2018, February 19). Rubella. Retrieved from: https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/rubella

About the author

Medical Team

Our medical team verify the medical accuracy of the articles you read on our site. U.S. trained General Practice Family Doctor. Has additional qualifications in ultrasound, emergency medicine, and traumatology.
Profession: Family Medicine
Private practice
United States , California , San Francisco

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
Zay A
is in the Philippines Medical History
Doc jen, bat wala pang bakuna sa mga health center sa manila? Tinatago po ba nila ung 5in1 na bakuna?mag 5 months na po baby ko pero isa pa lang bakuna nya na 5in1 pero kumpleto na po sya sa patak para polio.. San po ba makakakuha ng libreng bakuna ngayon? I need it badly baka magkasakit pa baby ko. Uso pa naman ngayon mga sakit like bulutong,sore eyes,tigdas etc.
Zay A
is in the Philippines Medical History
Ay sorry! Nasa ibang bansa po pala kayo nakatira. Pano po pag di kumpletp bakuna ni baby? Mabilis po ba sya mahawaan ng sakit? Wag naman sana
Cherryl Bautista
is in the Philippines
Doc, yung anak ko maybtigdas hangin it happen last day..pag gising namin meron na sya pantal sa kamay.. And then ngaun parami sya ng parami.. What should i do doc? First time mom po ako.. Anu po mga bawal sa may tigdas hangin? Please help me po.. Thank you.
Dr. Audrey Cenera
is a Medical expert in the Philippines
Hi Cherryl! Ilang taon na ang baby mo? Hindi ba siya nabigyan ng vaccine para sa tigdas?
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.