Madalas na gamiting sangkap sa ating pagluto ang betsin o Monosodium Glutamate. Ginagamit ang betsin bilang pampalasa sa iba’t ibang putahe para maging malinamnam ang lasa ng pagkain. Minsan, ginagamit rin itong pamalit sa asin.
Madalas ring ginagamit pandagdag-lasa ang MSG sa mga processed food tulad ng mga delata, hotdog, tinapa, at marami pang iba. Ang glutamate ay natural ring makikita sa mga pagkain o sangkap na mayayaman sa protina tulad ng keso, gatas, karneng baboy, karneng baka, isda, kabute, kamatis, at iba pang mga gulay.
Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), ang MSG ay kadalasang ligtas naman gamitin sa pagluluto. Subalit, may patuloy na debate na namamagitan sa mga eksperto at mananaliksik pagdating sa masamang epekto ng betsin sa ating pangangatawan.
Ayon sa iilang pagaaral, ang MSG ay posibleng makapagdulot ng negatibong sintomas at karamdaman, tulad ng:
• Labis na katabaan o obesity.
• Nerve cell damage sa utak dahil ang sobrang pagkain ng betsin ay maaring magdulot ng pagtaas ng antas ng glutamate sa ating utak na maaring magdala ng negatibong epekto.
• Pangangati ng balat o skin rashes
• Pagbilis ng tibok ng puso o heart palpitations
• Pagkasira ng kidney at ibang laman loob
• Problema sa pagiisip - tulad ng pagkabalisa at stress.
Ang ilan sa mga nasabing karamdaman ay base pa sa mga kwento ng iilang pasyente at sa lumang pag-aaral patungkol sa masasamang epekto ng MSG sa ating katawan. Ayon sa ibang mas bagong pag-aaral naman, di nakakasama ang pagkain ng betsin kung di sumobra sa ligtas na dami. Ngunit maaaring may mga taong mas maselan sa pagkain ng betsin. Inimumungkahi nilang mas maiging hindi aabot sa kalahating kutsarita ang makain ng isang tao sa isang araw. Para sa mga bata, mas mabuti rin raw na mas konte pa rito.
Sinasabi rin ng ibang kritiko na ang mga lumang naisagawang pag-aaral ay may kakulangan o kamalian sa kanilang paraan ng pananaliksik.
Kahit di matibay ang ebidensyang nagpapatunay na ang betsin ay nagdudulot ng mga nasabing karamdaman, nirerekomenda pa rin ng ibang mga eksperto sa kalusugan ang pag-iwas sa mga pagkain na mataas ang nilalamang MSG.
May iilang tao rin na may kondisyon na tinatawag na MSG Symptom Complex (MSC), kung saan mas madali silang nagkakaroon ng sintomas kapag nakakakain ng betsin. Subalit, hindi hihigit sa isang porsyento ng ating populasyon ang may ganitong kondisyon.
Marami pang pananaliksik ang dapat gawin upang makakuha ng kongkretong ebidensya sa kung ano talaga ang naidudulot ng MSG sa ating mga pangangatawan. Sa ngayon, wala pang sapat na dahilan upang ipagbawal ang paggamit ng MSG bilang sangkap sa pagluluto. Pero tulad sa madalas na inimumungkahi ng mga eksperto sa kalusugan, mas maigi na maging maingat tayo sa kung ano ang ating mga kinakain at kung gaano karami.
References / Sources :
Zanfirescu, A., Ungurianu, A., Tsatsakis, A. M., Nițulescu, G. M., Kouretas, D., Veskoukis, A., Tsoukalas, D., Engin, A. B., Aschner, M., & Margină, D. (2019). A review of the alleged health hazards of monosodium glutamate. Comprehensive reviews in food science and food safety, 18(4), 1111–1134. https://doi.org/10.1111/1541-4337.12448
Henry-Unaeze H. N. (2017). Update on food safety of monosodium l-glutamate (MSG). Pathophysiology : the official journal of the International Society for Pathophysiology, 24(4), 243–249. https://doi.org/10.1016/j.pathophys.2017.08.001
Niaz, K., Zaplatic, E., & Spoor, J. (2018). Extensive use of monosodium glutamate: A threat to public health?. EXCLI journal, 17, 273–278. https://doi.org/10.17179/excli2018-1092