Bakit di magkasundo ang Muslim at Hudyo? Islam at Kristiyano? Israel at Palestine? Ano ang pinaka-ugat?

Buhay OFW Org
is a Company located in the Philippines

Noong October 7, 2023, ang grupong Palestino na tinatawag na ‘Hamas’ ay naglunsad ng atake sa Israel, isang pag-atake na naganap sa himpapawid, karagatan, at sa lupa. Ang pag-atake nitong militanteng grupo ay mukang sinadya na ginanap sa panahon ng Jewish festival na Sukkot, para masorpresa ang mga Israeli at hindi makahanda.
 
Bilang tugon, ang Israel ay naglunsad din ng kanilang operasyon laban sa Hamas sa Gaza Strip. Kabilang sa ginawa nila ang pagputol ng kuryente sa Gaza, na nagdulot ng kadiliman sa siyudad ng Palestine.
 
Pero bakit Inatake ng Hamas ang Israel?

Ilalatag sa video ang simpleng eksplanasyon kung ano ang pinaka-ugat ng giyera sa Israel at ang kahalagahan nito sa atin. Hihimayin natin ang puno’t dulo ng problema, dahil matagal na itong isyu na madalas nababalita. Kaya’t di na pwede ito ipasantabi, at baka lumala at maapektuhan ang buong mundo.
 
Abangan din sa dulo ng video, ang mahalagang isisiwalat na nakakatakang detalye na di alam ng nakakarami, kung bakit dapat magkaibigan ang Israel at Palestine. Itong impormasyon ay base sa siyensiya, kaya’t kataka-taka sa atin.  
 
Ang Hamas ay isang militanteng grupo ng Palestine, na katunggali ng Israel. Mahigit isang daang taon na nagsasagupaan at nagtutunggali ang Palestino at ang Israel sa rehiyon. Para malaman ang puno’t dulo ng kanilang pagaaway, mahalagang malaman muna ang kauting kasaysayan ng pangyayari.
 
Nung panahon kasi bago pa kay Kristo, ang mga Hudyo o Jews ay nakatira na sa lupa na tinatawag na Israel. Unti-unti sila napaalis sa Israel dahil sa iba’t ibang mga mananakop na dumating. Halimbawa si King Nebuchadnezzar na nabanggit sa Bibliya, na pinalayas mga Hudyo sa lugar ng Israel. Dahil sa mga ito, kumonti nang kumonti ang bilang ng mga Hudyo sa lugar. Kaya’t nagkalat ang mga Jews sa iba’t ibang parte ng mundo, kasama na Europa na bumuo ng tinatawag na Jewish diaspora o Jewish communities.
 
Samantala, dumami naman ang Muslim sa lugar na Israel, nang dumating ang mga Arabo at nakontrol ng lupang tinatawag natin ngayon na Israel. Nagsimulang nag-laganap ang Islam doon sa Israel noong panahon na yun, dahil sa mga disipolo ng Propetang Muhammad noong 7th century. Ito’y parte ng misyon na sinasabi ng Propetang Muhammad na iparating ang Islam sa buong mundo. Kaya’t dumami ng dumami ang bilang ng mga Arabo at Muslim sa lupa na tinatawag ngayon na Israel.
 
Hanggang sa noong mga 19th century, maraming Hudyo ang nais na bumalik sa lupain ng kanilang ninuno o ancestral homeland.Ito ay dahil din sa pag-uusig o pangaapi sa mga Hudyo sa Europa.Paniniwala din ng mga Hudyo na kelangan na nilang bumalik sa kanilang ancestral homeland. Ang tawag dito ay Zionist Movement.
 
Kaya’t masasabing isa sa pinaka-ugat ng away ng Palestino at Israel ay tungkol sa lupa. Partikular dito ang lugar ng Jerusalem. Dahil ang Jerusalem ay may malalim na kahalagahan sa parehong panig. At ang kasaysayan ng bawat isa ay isa sa pinaka-kontrobersyal na aspeto ng tunggalian. Halimbawa, itinuturing ang Jerusalem sa Bibliya na Holy City, di lang dahil dito nagtayo ng Kaharian si King David ng Old testament, kundi dito rin ipinako sa krus si Hesus at muling nabuhay.
 
Sa kabilang banda, ang mga Muslim naman ay naniniwala na sa Jerusalem ay ang lugar kung saan umakyat si Propeta Muhammad sa langit at nakausap si Allah. Kaya’t ito’y itinuturing din bilang isa sa pinaka-banal na pook sa Islam.
 
Bukod sa East Jerusalem, umaalma rin ang mga Palestinians na sinasakop din ang mismong mga lupa na tinitirhan nila ngayon, base sa unang kasunduan ng hatian ng United Nations.
 
Sa ngayon kasi, ang tinatawag na teritoryo ng Palestine ay binubuo lamang ng dalawang lugar: Ang Gaza at ang West Bank. Mukang magkahiwalay man yung dalawang lugar, pero itong dalawang teritoryo ay kasama sa mga lugar na hinahangad ng mga Palestino para makabuo sila ng isang sariling bansa na Palestine. Dahil sa ngayon ay di kinikilala ng United Nations bilang full-member state ang Palestine, kahit na kinikilala ng maraming bansa ang Palestine bilang isang sovereign state na may sariling kasarinlan o kalayang mamahala sa sarili.
 
Lalong nagpapakomplika dito ang pagkakaroon ng dalawang gobyerno ng Palestine. Dahil ang Palestinian Authority (o PA) ay may kontrol sa West Bank at ang Hamas group naman ang may hawak sa Gaza.
 
Ngunit bagamat ang Palestinian Authority ay may kontrol sa bahagi ng West Bank, ang buong teritoryo ay tila itinuturing pa rin na okupadong teritoryo ng Israel. Sa katunayan, ang Israel Defense Forces (o IDF) ay may presensya sa buong West Bank at may kapangyarihang magpatupad ng militar na operasyon kahit sa mga lugar na nasa ilalim ng administrasyon ng Palestinian Authority. Meron ring mga Israeli na nagtayo ng kanilang komunidad sa West Bank.
 
Samantala, sa Gaza strip naman na kontrolado ng Palestine group na Hamas, ang Israel ay nagpapanatili pa rin ng maraming militar at administratibong kontrol sa maraming aspeto. Meron ring mga barikada o blockades sa Gaza sa lupa at dagat, kaya’t hindi basta basta makalabas pasok ang mga Palestinians sa Gaza. Ang katwiran ng Israel dito ay dahil daw ito sa security concerns, lalo na’t militanteng grupo ang Hamas.
 
Ang pagkakaroon ng mga Israeli communities at ang militar ng Israel sa West Bank, gayundin ang mga blockades sa Gaza, ay sinasabing isa sa pinagmumulan ng tensyon sa pagitan ng Palestine at Israel.
 
Sa pananaaw ng Israel, ang kanilang aksyon ay isang lehitimong pagtatanggol sa kanilang bansa laban sa posibleng pag-atake mula sa kanyang mga kalapit na Arabong bansa. Ayon sa Israel, bago ang digmaan, maraming senyales at banta mula sa mga Arabong bansa na mag-aatake sila. Maraming Israeli rin ang naniniwala na ang West Bank ay sa kanila, base daw sa kasaysayan, na tinatawag na Judea sa Bibliya.
 
Samantala, sa pananaw naman ng Palestine, ang pagbarikada ng kanilang territoryo ay isang panggigipit at parusa sa kanila. Halimbawa, may barikada sa dagat kung saan naglilimita kung gaano kalayo ang maaaring puntahan ng mga mangingisda sa dagat o Mediterranean Sea.
Sinusuri rin ng Israel ang mga kalakal na pumapasok sa Gaza. Pinipigilan o ipinagbabawal nila ang mga bagay na sa tingin nila ay maaaring gamitin para sa militar. Pero karaniwan, pinapayagan ang mga medical supplies, pagkain, at gamot, bagaman maaaring may mga pagkaantala.
Kaya sabi raw ng mga Palestino, bumabagsak ang kanilang ekonomiya dahil daw sa paghigpit sa import at export o labas pasok ng mga kalakal. At bagamat nauna ang mga Hudyo sa lupang Israel kesa sa mga Arabo, ilang daang taon at henerasyon na nakatira ang mga Arabo doon at nakatanim na sila doon, at masasabing may karapatan na sila sa lupang tinaniman nila.
 
Ngayoon, bakit Inatake ng Hamas ang Israel?
Ayon sa tagapagsalita ng Hamas, ang kanilang pag-atake ay tugon sa mga pang-aabuso sa mga Palestino sa loob ng maraming dekada. Nais nilang tigilan ang mga pag-atake sa Gaza, at protektahan ang kanilang mga banal na lugar.
 
Ang nangyayari sa Middle East ay may epekto sa Pilipino. Halimbawa, ang gulo at tensyon sa rehiyon ay maaaring makaapekto sa presyo ng langis at kalakalan.
Maraming Pilipino rin ang nagtatrabaho o naninirahan sa ibang bansa, kabilang ang Middle East at Israel.
 
Ano ang solusyon sa pagaaway ng Palestine at Israel?
Ang tunggalian sa pagitan ng Israel at Palestine ay isa sa mga pinaka-komplikado at matagal na suliranin sa daigdig. Walang madali at simpleng sagot sa kung paano ito malulutas, ngunit maraming panukala ang inilahad sa mga nagdaang dekada.
Pero malapit na at abangan sa pinaka-dulo ang impormasyon kung bakit dapat di nagaaway ang Israel at Palestine, na base sa siyensiya.
Pero narito muna ang pangunahing ideya at stratehiya na inihain para sa solusyon:
1.     Dalawang Estado: Isa sa mga pinaka-tinangkilik na solusyon ay ang pagkakaroon ng dalawang magkahiwalay na estado sa loob ng Israel, o ang paghati ng Israel sa dalawa — isang estado para sa Israel at isang estado para sa Palestine. Ayon sa konseptong ito, ang West Bank at Gaza Strip ay magiging bahagi ng estado ng Palestine, habang ang iba pang bahagi ay mapupunta sa Israel. Kasalukuyan na nga sana ginagawa ito, pero di pa natutupad ng buo, dahil hawak ng Israel ang ilang lugar sa West Bank at may barikada sa Gaza.
2.     Internasyonal na Pamamahala para sa Jerusalem: Dahil sa relihiyosong kahalagahan ng Jerusalem sa tatlong pangunahing relihiyon (na Kristiyanismo, Judaismo, at Islam), ang iba ay nagmungkahi na ang lungsod ng Jerusalem ay dapat mapunta sa ilalim ng internasyonal na pamamahala.
 
Panghuli, isisiwalat ngayon kung bakit di dapat nagaaway ang Palestine at Israel, kung tutuusin. Sa madaling salita, ito ay dahil ang Palestinians at Israelis ay magkamaganak, at magkalahi. Sa katunayan, base sa paganalysa ng mga eksperto sa kanilang DNA, nakikitang malapit silang kamaganak, dahil parehas silang may ugat na lahing Canaanite. Di lang sa dugo makikita, kundi narin ang lenguahe ng mga Hudyo na Hebrew at ang Arabic ng mga Palestino ay kamaganak din na wika at may iisang ugat. Kaya’t makikita na marami silang parehas na salita at ayos ng pangungusap pati balarila. Isa pa, sa katunayan, ang Islam at Kristiyano at Judaism ay may parehas na paniniwala sa konsepto ng isang Diyos. Sa katunayan, parehas silang lahat na naniniwala kay Abraham na itinuturing nilang kanilang ninuno, o tinatawag na Ibrahim sa mga Muslim. Sa katunayan, naniniwala ang mga Hudyo na nanggaling sila kay Isaac, na anak ni Abraham. At ang mga Muslim naman ay naniniwala na nanggaling ang mga Arabo sa isa pang anak ni Abraham na si Ishmael. Kung totoo ito, magkapatid lang pala, ang Hudyo at Arabo. Magka-iba lang ng ina.
 
Sa gitna ng lahat na ito, ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng diplomasya, pag-unawa, at pag-uusap sa pagitan ng mga bansa upang mahanap ang tunay na kapayapaan at solusyon sa mga problema.

About the author

Buhay OFW Org

Ang layunin namin ay magbigay ng de-kalidad na edukasyon gamit ang wikang Filipino.
Profession: Organization
Buhay OFW
Office Address: Metro Manila
Philippines , Metro Manila

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.

Disclaimer: The materials on the Buhay OFW Website are for general information purposes only and should not be construed as religious advice, spiritual advice, opinion or any other advice on any specific facts or circumstances. Readers should not act or refrain from acting upon this information without seeking professional advice. Transmission of information on or by use of this Website is not intended to create, and receipt does not constitute, a client relationship between the sender and receiver. Photographs and other graphics used on this website may be for dramatization purposes only, and may include models or stock photos. Likenesses do not necessarily imply current client, membership, partnership or employee status.