Bakit pinagpipilitan ng China sakanila ang dagat?Pinagmulan ng away Tsina at Pinas

Buhay OFW Org
is a Company located in the Philippines

May kaibigan o kasosyo ka ba na Chinese? Paano mo ipapaliwanag sa kanya ang panig ng Pilipinas tungkol sa alitan sa dagat? Maiintindihan mo rin ba ang kanyang perspektibo? Paano ka makikisawsaw sa usapan, kung di mo naman alam ano mga terminong gingamit?

Mahalaga itong sensitibong paksa na nagiging sentro ng pandaigdigang atensyon: Ang maritime dispute sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, na tinatawag na West Philippine Sea ng Pilipinas, ngunit itinu-turing pa rin ng Tsina bilang parte ng South China Sea.
 
Ilalatag dito kung ano ibig sabihin ng mga mahalagang termino tulad ng EEZ at UNCLOS. Tutukuyin din natin kung aling mga espesipikong lugar ang pinag-aagawan ng Tsina at Pilipinas at kung saan ito sa mapa. At bubusisiin din natin ang mahalagang kasaysayan. Abangan din sa huli ang nakaka-intrigang impormasyon kung bakit daw sinasabing di dapat nakiki-alam ang U.S. sa usapan.
 
Malaki ang nakataya at makikinabang ang lahat dito, dahil andito ang mayamang pangisdaan, at mamahaling reserba ng langis at gas sa ilalim ng dagat.
 
Una sa lahat, importante muna alamin ang kasaysayan ng batas sa karagatan
Noong unang panahon, walang batas pang-dagat na namamahala sa karagatan sa mundo. Ang pamamahala ng baybayin at dagat ng isang bansa ay base sa kanya-kanyang kagustuhan at kanya-kanyang kasunduan sa ibang bansa.
 
Nagbago ito noong 17th century, noong nagsulat si Hugo Grotius tungkol sa konsepto ng “Freedom of the seas”, kung saan ipina-nukala niya na ang karagatan ay internasyunal na teritoryo na dapat maging bukas para sa lahat ng tao.
 
Base sa konsepto ng ‘Freedom of the Seas’, may kapangyarihan ang isang bansa na magpatupad ng kanilang batas, sa loob ng 3 nautical miles mula sa kanilang baybayin, kasama na ang mga ali-tuntunin sa pangisda. Ngunit paglampas dito sa 3 nautical miles, ang karagatan ay itinuturing na international water, at walang ni anong bansa ang may eksklusibong karapatan dito. Ang tawag dito sa 3 nautical mile belt ay territorial sea.
 
Kaya’t cannon shot rule naman ang tawag dito, ay dahil base dito ang hangganan ng teritoryo ng dagat ng isang bansa ay ang layo kung saan maaaring abutin ng isang kanyon o baril mula sa baybayin, na noong panahon ay kadalasang itinatakda na 3 nautical miles.
 
Mabuti na nagkaroon  nitong ‘Freedom of the Seas’ concept, kaysa sa dating kanya-kanya na walang batas. Ngunit habang tumagal, napansin ng mga bansa na may limitasyon rin pala ito.  Noong mga 1950s, pagkatapos ng World War 2, kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya at ang pagdiskubre sa mga yamang dagat, simulang napansin ng maraming bansa na ang konsepto ng “Freedom of the Seas” ay kulang o hindi sapat. Halimbawa, sa modernong teknolohiya ng pangingisda, mas madali na ngayon para sa mga mangingisda na umabot sa mas malalayong lugar at humuli ng mas maraming isda kaysa dati. At kelangan rin pangalagaan ang kanilang marine resources o likas na yaman sa dagat na maaaring masira o mapolusyonan dahil sa overfishing, na isa sa pangunahing banta sa karagatan. Maraming bansa rin ang nagpalawak ng kanilang teritoryo sa dagat, ng walang pahintulot sa ibang bansa, na nagdulot ng mga tunggalian sa pagitan ng magkakatabing bansa.
 
Kaya’t noong 1958 at 1960, nagsagawa ng dalawang pulong ang United Nations upang pag-usapan ang batas ng dagat, ngunit maraming isyu ang hindi naresolba. Dahil dito, isinagawa ang pangatlong pulong mula 1973 hanggang 1982, kung saan na-finalize ang kasalukuyang UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea. At bagaman na-finalize ito noong 1982, naging epektibo lamang ang treaty noong 1994, matapos itong maapruba ng sapat na bilang ng mga bansa ng United Nations.
 
So ano nga ba ang pinagkaiba ng bagong UNCLOS sa dating Freedom of the Seas?
Sa Freedom of the Seas, ang territorial sea ng isang bansa ay "three-nautical-miles" mula sa kanilang coastline, base sa 'cannon shot' rule.
 
Samantala, sa UNCLOS pinalayo ang territorial sea sa 12 nautical miles, mula sa dating 3 nautical miles. Ito’y dahil sa maraming dahilan kabilang na ang pagkakaroon ng maraming yamang dagat tulad ng coral reefs na umaabot ng 12 nautical miles, na kelangan alagaan.
 
Pwera sa territorial sea, nadagdagan din sa UNCLOS ng ibang maritime zones, o mga lugar sa karagatan na may karapatan ang isang bansa. Ngunit magpo-pokus lang tayo sa 2 importanteng zones sa usaping ito: Ang ‘Territorial sea’ at ang ‘EEZ o Exclusive economic zone’. Alam na natin ang territorial sea, kaya’t ipapaliwanag naman natin ang EEZ na tumukoy sa lugar sa dagat na naguumpisa paglagpas sa 12 nautical mile ng territorial sea. Itong EEZ ay maaaring lumagpas ng 188 nautical miles ang layo mula sa territorial sea. At pag pinagsama ang sukat ng territorial sea at ang EEZ, umaabot ito hanggang 200 nautical miles mula sa baseline.
 
Sa loob ng EEZ, ang isang bansa ay walang soberanya o sovereignty na maaaring gawin kahit ano ang gusto niyang batas. Sa halip, ang meron lang ito ay sovereign rights o eksklusibong karapatan na mag-explore at mag-exploit ng mga yamang-dagat. Kasama dito ang pangingisda, pagmimina ng mga mineral sa ilalim ng dagat. Kaya’t kumpara sa full sovereignty, limitado lang ang nabibigay ng "sovereign rights", na kelangan nakatuon lang sa paggamit ng mga likas na yaman. Halimbawa, wala itong karapatan na pagbawalan ang mga dumadaan na mga eroplano sa ibabaw ng EEZ, kahit na walang pahintulot.
 
Ngayon, alin ba mga lugar ang pinagaagawan ng Tsina at Pinas, para malaman natin kung pasok ba sila sa EEZ ng Pilipinas?
Marami sa mga lugar na pinaglalaban ay may maraming pangalan, kaya’t madalas maraming nalilito, dahil tumutukoy lang pala sila sa iisang lugar. Kaya’t pagsasamahin natin mga pangalan na magkaparehas. Narito ang mga pangunahing lugar na pinaglalaban ng Tsina at Pilipinas: 
1.     Scarborough Shoal (mga 120 nautical miles from Luzon) o tinatawag sa Pilipinas na…
Filipino Name: Panatag Shoal o Bajo de Masinloc
Chinese Name: Huangyan Dao
2.     Reed bank o Recto bank ay isang patay na bulkan, na patag ang tuktok, na nakalubog ng kaunti sa ilalim ng tubig (mga 85 nautical miles sa Pilipinas). Itong lugar ay mayaman sa mga natural resources tulad ng gas at langis.
3.     Spratly Islands o tinatawag sa Pilipinas na
Filipino Name: Kalayaan Group of Islands
Chinese Name: Nansha Qundao
 
Di natin babanggitin lahat ng mga isla at features sa Spratlys, dahil ang mga umaangking bansa tulad ng Philippines, China, Vietnam, at Taiwan ay may kani-kaniyang interpretasyon kung ano ang dapat na sakop ng Spratly Islands. Dahil kalat-kalat ang isla, reefs at mga features sa Spratlys, maaaring magkaiba ang mga hangganan at sakop nito, depende sa interpretasyon ng bansa.
Okupado at kinokontrol ngayon ng Pilipinas ang 8 isla at 3 riefs sa Spratlys, kasama na ang:
Pag-asa Island (Thitu Island) – mga 260 nautical miles
Ayungin Showl (Second Thomas Shoal) - mga 105 nautical miles
 
Kung ang basehan lang ay ang EEZ ng Pilipinas ayon sa UNCLOS, ang Scarborough Shoal, Reed Bank ay nasa loob ng 200 nautical miles ng EEZ ng Pilipinas. Samantala, iilan sa mga isla at reefs ng Spratlys ay pasok din sa 200 nautical mile EEZ ng Pinas, ngunit ang iba ay hindi na pasok sa 200 nautical mile, katulad ang Pag-asa Island.
 
Pero hindi awtomatikong na-re-resolba lang ng EEZ kung sino may karapatan sa inaangking lugar sa karagatan. Halimbawa, merong mga kaso ng pagkapatong o overlapping EEZs ng dalawang bansa. Meron ring ibang bansa na dinedebate ang historical rights, tulad ng China, na sinasabing may mga ebidensya na matagal na nangingisda mga Tsino doon sa Spratlys.
 
Kaya nag-file ang Pilipinas ng kaso laban sa Tsina sa Permanent Court of Arbitration noong 2013, upang lutasin ang mga alitan ukol sa karapatang dagat at mga hangganan nito.
 
Noong 2016, ang Arbitral Tribunal sa Hague ay naglabas ng desisyon na nagsasabing walang legal na basehan ang historical rights at "Nine-Dash Line" ng China. Ito raw ay labag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na parehong miyembro ang Pilipinas at China.
 
Ngunit mahalagang tandaan na ang 2016 arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration ay hindi lantarang nagsabi na may soberanya ang Pilipinas sa Scarborough Shoal o Reed bank. Sa halip, ito'y nag-papawalang bisa sa 'nine-dash line' ng China base sa UNCLOS. Dahil sa pagkakabasura sa nine-dash line, ang hatol ay nagpapahiwatig ng suporta sa mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng kanyang Exclusive Economic Zone (EEZ), na kasama ang Scarborough Shoal.
 
Kung may karapatan o sovereign rights pala ang Pilipinas sa mga lugar sa loob ng  kanyang EEZ, base sa UNCLOS at hatol ng arbitral ruling, ano ang katwiran ng China bakit ayaw nila ito tanggapin?
Ang China ay may ilang mga argumento para sa kanilang pag-angkin sa dagat.
1.     Historical Claims: Ang detalyadong argumento ng China ay ang kanilang historical claims, na sinasabing ang mga isla ay matagal nang kontrolado at ginamit ng mga Tsino para sa pangingisda, kalakalan, at iba pa.
2.     Nine-Dash Line (o ang bagong extended 10-dash line): Ang konsepto ng "Nine-Dash Line" ay isang representasyon ng kanilang historical claims sa mapa, kahit na walang binigay na legal na depinisyon o detalyadong coordinates. Ang linyang ito ay sumasakop sa malaking bahagi ng South China Sea, kasama ang maraming islang kinikilala din ng iba't ibang bansa. Bagaman ang Arbitral Trai-byu-nal ay nagdesisyon na labag sa UNCLOS ang Nine-Dash Line, ang China ay nana-natiling kumi-kilala sa kanilang interpretasyon ng international law.
3.     Nationalismo at pressure ng masa: Ang isyung ito ay nagiging malaking bahagi ng usapin ng mga tao sa China na naniniwalang sa kanila ang ipinaglalabang parte ng dagat. Kaya’t maaaring ang pagpapakita ng goberynyo ng lakas at determinasyon sa pag-angkin sa mga teritoryong ito ay nagdadala ng suporta mula sa masa sa Tsina.
Kelangan din banggitin na ang Pilipinas ay kaalyado ng U.S. At ang U.S. ay isa sa mga bansa na nag-uudyok sa China na sundin ang internationl law, at sundin ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitral ruling. Ngunit maraming hindi alam na hindi pa kasapi sa UNCLOS ang Estados Unidos. Ibig sabihin, hindi pa miyembro ang U.S. sa UNCLOS, dahil hindi pa nila ito na-ratify. Ang rason ng US ay mga isyu nila tulad ng seguridad at politika. Para sa Tsina, kung nais ng U.S. na batikusin sila sa paglabag sa UNCLOS,  maari sana itong maging miyembro muna, para maging patas.
 
Dagdag pa rito, ang South China Sea at West Philippine Sea ay mayaman sa natural na yaman, tulad ng langis at natural gas. Ang rehiyon ay isa sa pinaka-maraming dumadaan na barko sa mundo, at ang pagkontrol nito ay may malaking implikasyon sa seguridad ng China.
 
Bakit di mapilitan ang China na sumunod sa UNCLOS?
Ang problema sa desisyon ito ay hindi kinikilala ito ng China at wala pang paraan o mekanismo upang sapilitang maipatupad ang desisyon ng Arbitral Tribunal. Bagaman itinatakda ng UNCLOS ang mga karapatan sa dagat, ang pagpapatupad ay karaniwang nangangailangan ng tulong ng international community. Bukod dito, ang malakas na ekonomiya at militar ng China ay may impluensya rin.
 
Mahalaga rin malaman na ang China ay isa sa mga permanent members ng United Nations Security Council at may tinatawag na veto power, kaya mas komplikado ang sitwasyon pagdating sa pagpapatupad ng international laws. Ibig sabihin, mayroon kapangyarihan ang China na i-veto o tutulan ang anumang resolusyon na isusulong sa Security Council. Ang veto power ay nangangahulugan na kung hindi sumang-ayon ang Tsina sa isang partikular na aksyon o resolusyon, maaari nitong pigilan ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang veto.
 
Samakatuwid, ang hindi pagsunod ng China sa Arbitral Ruling ay isang komplikadong isyu na may maraming dahilan, at hindi ito basta-basta masusolusyonan ng isang simpleng aksyon lamang.
 
Solusyon
Mahalagang alamin ang maaaring imungkahing solusyon sa parehas na dalawang bansa, dahil hindi ito simpleng usapin.
Para sa China, maaaring ipahayag sa kanila na dahil sa kanyang mataas na estado sa buong mundo, ang paggalang sa international laws tulad ng UNCLOS ay maaaring magpatibay sa reputasyon ng China sa mundo, dahil ang ganitong hakbang ay senyales sa international community na gusto ng China na magkaroon ng maayos at patas na batas.

Para sa Pilipinas, mahalaga sa bawat isa ang pag-unawa sa mga termino at konsepto, dahil ito ang nagbibigay daan para makalahok sa mga diskusyon na may kinalaman sa mga karapatan sa karagatan. Itong kaalaman ay nagpapalakas sa bawat isa na makipag-usap ng may kabuluhan, hindi lamang sa kapwa Pilipino kundi pati na rin sa mga tao mula sa ibang bansa, kabilang na ang China.
 
Ang pagkakaroon ng bukas at edukadong paguusap ay isang hakbang patungo sa mas mapayapa at produktibong ugnayan sa pagitan ng mga bansa, na handang makinig sa perspektibo ng iba't ibang panig.
 
 
 
 
Lubchenco, January & Haugan, Peter. (2023). Integrated Ocean Management. 10.1007/978-3-031-16277-0_14. Available from: https://www.researchgate.net/figure/Maritime-zones-as-defined-by-the-UN-Convention-on-the-Law-of-the-Sea-Source-Anders_fig1_371025863
 
Fig. 14.1 Maritime zones as defined by the UN Convention on the Law of the Sea. (Source: Anders Skoglund, Norwegian Polar Institute 2020)

About the author

Buhay OFW Org

Ang layunin namin ay magbigay ng de-kalidad na edukasyon gamit ang wikang Filipino.
Profession: Organization
Buhay OFW
Office Address: Metro Manila
Philippines , Metro Manila

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.

Disclaimer: The materials on the Buhay OFW Website are for general information purposes only and should not be construed as religious advice, spiritual advice, opinion or any other advice on any specific facts or circumstances. Readers should not act or refrain from acting upon this information without seeking professional advice. Transmission of information on or by use of this Website is not intended to create, and receipt does not constitute, a client relationship between the sender and receiver. Photographs and other graphics used on this website may be for dramatization purposes only, and may include models or stock photos. Likenesses do not necessarily imply current client, membership, partnership or employee status.