Sa pananaw ng pagiging isang Kristiyano, sagrado ang pagpapakasal. Hindi ito isang biro, na gaya nga ng sinasabi ng matatanda ay, “Hindi iyan parang kanin na kapag napaso ay iluluwa.”
Totoo, na hindi dapat nakakaligtaan ng mga pumapasok at pumasok sa pagpapakasal sa paraang Kristiyano ang mga dapat gawin, mga bawal at batas nito, mapa-espiritwal man na paraan o legal. Sa mga OFW na kasal, kalimitan ay nauuwi sa isang LDR o Long Distance Relationship ang kanilang mga relasyon. Hindi na ito bagong isyu sa mga Pilipino, sapagkat matagal na ang pagpa-praktis ng ganitong sistema sa maraming manggagawang Pilipino upang kumita at maitaguyod ang kanilang pamilya.
Ngunit katulad rin ng ibang relasyon, hindi rin naman lahat ng nasa LDR ay maganda ang kinahihinatnan. Marami rin ang problemang kinakaharap ng mga mag-asawang ganito ang pamumuhay. Sa mga bansa sa Middle East, maraming OFW doon ang nalayo sa kanilang mga asawa dahil sa tawag ng trabaho. Habang tumatagal, nagiging mas mahirap rin para sa kanila ang hindi makasama ang kanilang minamahal, kaya’t dito na nagsisilabasan ang mga problemang madalas ay pinagdaraanan ng karamihan sa mag-asawang OFW. Una na riyan ang kawalan ng oras sa isa’t isa, sapagkat madalas ay magkalayo ang time-zone sa mga bansang kinatitirahan ng mag-asawa, madalas ay sa telepono na lamang nagkakaroon ng kamustahan o kaya’y mga social media katulad ng Facebook dahil sa mga bagong teknolohiya. Isa na rin ang hindi pagkakaintindihan dahil sa distansya na mayroon sa pagitan nila. Sapagkat hindi magkasama sa pisikal na paraan, hindi rin gaanong nakararating ng tama ang mga mensaheng ipinapaabot sa bawat isa, kaya’t madalas ang away at hindi pagkakaunawaan dahil hirap ang pagpapaliwanag lalo na’t kung hindi magkaharap. Dalawa lamang ito sa mga halimbawa ng madalas na dahilan ng mga LDR na hindi nagtatagumpay, at hindi ito biro sapagkat marami pang umuusbong na rason kung bakit nauuwi sa paghihiwalayan ang mga mag-asawang OFW.
Isa sa mga bagong isyung nararanasan ng ilang may-asawang OFW ay patungkol sa paghihiwalay o pagpapawalang bisa ng kanilang kasal. Marami nga ang mga salik katulad ng nabanggit sa itaas na dahilan upang hindi magka-intindihan, at hindi na ito nais pang patagalin ng mga may-asawa kaya’t sila’y naghahanap na ng mga paraan upang umalis dito sa pinakamabilis na paraan. Ito nga ay ang pagpapakasal sa paraang Muslim, kung sila man ay nasa Middle East, upang makalabas sa commitment na gusto na nilang takasan. Dahil sa pagkabagot sa pag-iisa, hindi maiwasan ng iba nating kababayan na maghanap ng bago, kahit na alam nilang bawal ito sa pagiging Kristiyano kapag kasal na. Sa paraang Muslim, legal ang pagiging polygamous, o pag-aasawa ng higit sa isa, hanggang sa kayang buhayin at panindigan ng lalaki ang bawat isang babae at kaya niyang bigyan ng pantay na pagmamahal. Ngunit, paano naman ito sa pananaw nating pagiging Pilipino?
Isang halimbawa na rito ang istorya ng kababayan natin sa Middle East na si Max Ayson, hindi niya tunay na pangalan. 42-anyos na si Max, 11 na taon na siyang nagta-trabaho sa Oman bilang technician. 7 taon na nalayo sa kaniyang asawa sa Pilipinas, si Max ay naranasan na ang ligaya at pighati ng buhay mag-asawa. Hanggang sa isang araw ay hindi na natiis ni Max ang halos araw-araw na pagbubunganga ng kaniyang asawa sa telepono, pinili ni Max na magpalamig muna at kumuha ng espasyo mula sa kaniyang asawa. Maraan niyang inilarawan ang kanyang asawa na sumpungin, at bigla bigla na lamang itong manghihingi sa kanya ng pera na dinadahilang pantustos sa kanilang dalawang anak, ngunit palaging humihirit ito na kulang pa ang ipinapadala. Selosa rin ang kanyang asawa kaya’t bantay sarado ang kanyang mga ginagawa, na masasabi nga niyang “nakakasakal”. Dumating na rin sa puntong siniraan siya ng kanyang asawa sa kanyang mga anak na isang hindi mabuting ama, sa kung anu-anong pinagsasabi, dahilan upang lumayo ang loob ng mga anak sa kanya. Sa paglipas ng panahon sa paulit-ulit na paratang, ninais ni Max na hiwalayan ang asawa. Humingi ito ng legal na proseso ngunit ayaw pumayag ng kanyang asawa, iginigiit na kailangan niyang panindigan ang pagtutustos sa pamilya sapagkat responsibilidad niya ito. Hinahabol pa ang benefits ng pagkakaroon ng asawang OFW, ika nga ni Max. Sumunod naman si Max ngunit unti-unti nang nawala ang pagmamahal nito sa asawa hanggang sa lubusang mawala. Nang malipat ng trabaho si Max sa Abu Dhabi, doon niya nakilala ang bago na niya ngayong kinakasama. Pareho silang pamilyado at hiwalay sa asawa na nasa Pilipinas. Katagalan, sila ay nagpa-convert na maging Muslim at nagpakasal. Nagtutustos pa rin si Max sa kanyang mga anak, ngunit madalang na itong gumagawa ng interaksyon sa kanyang asawa sa Pilipinas. Lumipas ang mga buwan, ngunit nanatili sila sa kanilang relasyon. Ngunit kung titignan sa praktis, hindi nila isinasabuhay ang pagpapa-convert sa pagiging Muslim. Tuluyan silang namumuhay sa paraang Kristiyano, kung paminsan-minsan ay nagsisimba sa mga mosque upang masabing sila’y nakikibahagi sa aktibidad.
Kung titignan sa perspektibo ng pagiging kapwa Pilipino, magandang bagay kaya ang ginawa ni Max? Upang makawala sa isang nakalalasong relasyon, si Max ay nagtungo sa paraang pinakamabisa sa kanya noong mga panahong iyon. Mayroong mga nagsasabing mali ang paggamit ng relihiyon sapagkat kawalang galang ito sa mga Muslim, na hindi dapat ito ginagawa sa mga personal at makasariling dahilan. Mayroon din naman sasang-ayon kung si Max ay wala na talagang options kung walang kooperasyon ang kanyang asawa. Nagkaroon na ng pangba-blackmail sa isa’t isa: ang asawa niya na kakasuhan siya ng kaso, at si Max ay ititigil ang pagbibigay ng pera. Upang maiwasan ang mga gulo at aberya, ninais na lamang niya ang panindigan ang kanyang bagong responsibilidad na pinaniniwalaan nyang mas makapagpapasaya sa kanya.
Ang mga uri ng ganitong desisyon ay nagkakaroon ng malaking epekto sa pamumuhay ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa. Kung paano nila kahaharapin ang buhay mag-asawa habang sila ay magkalayo, hindi ito isang isyu na dapat ipagwalang-bahala sapagkat mayroon ding mga buhay na nakasalalay katulad ng kanilang mga anak. Kung nahihirapan man sa ganitong sitwasyon, mas mabuti na tayo ay humingi ng tulong sa mas nakakaalam at makapagbibigay ng advice sa tama at legal na proseso, para na rin sa ikabubuti ng ating desisyon.