May hinala ka bang may tinatago ang iyong kabiyak o partner? Gustong gusto mo bang malaman kung ano ang pinagkakaabalahan niya sa kanyang cellphone?
Ok lang ba hingin ang password ng mahal mo? Dapat bang ibigay ang password ng phone mo sa partner mo? Dapat ba siyang pagkatiwalaan?
Narito ang mga dapat muna isaalang-alang kung ibibigay ang password sa iyong partner:
1. Anong klaseng relasyon meron kayo?
Kung magkasintahan kayo, matagal na ba kayo magkakilala? Mapagkakatiwalaan ba siya? Samantala, kung kayo ay matagal ng magkasintahan walang masama kung ibibigay ang password kung sa tingin niyo ay wala naman kayo tinatago. Ngunit kapag bago pa lang, mas mainam na hindi na muna ibigay. Kilalanin niyo muna ang bawat isa.
Ngunit kelangan din mag-ingat, lalo na kapag bago pa lang kayo magkakilala. Halimbawa, may mga totoong nangyayari ng mga kawatan na nakikipagrelasyon, para lang manakawan o lokohin ang partner. May anggulo din ng paghihiganti o sama ng loob. Halimbawa, may posibilidad na kapag naghiwalay na kayo, gagamitin niya mga social media accounts mo para magpost doon ng kung ano-ano, para makaganti lang, lalo na kapag hindi maganda ang inyong paghihiwalay.
Kung magkasama naman kayo sa isang bahay, maaaring kelangan alam niyo rin ang password ng isa’t isa. Para kung sakaling may kelangan tawagan na contacts sa phone pag emergency. May mga pagkakataon rin na baka abala ka at di mo mahawakan ang iyong phone, kaya’t kelangan mong ipahawak ang phone sa iyong partner. Halimbawa, kapag nagda-drive ka o may hawak sa iyong kamay, at kelangan mo ipacheck ang importanteng text sa iyong partner.
Siyempre, mas lalo na kapag kayo ay mag-asawa. Malamang importante rin na alam ang password ng isa’t isa.
2. Pinipilit ka ba o kusa mong ibibigay ang password?
Importante rin na di pilit ang pagbigay mo ng password sa iyong partner, o hindi mo rin pinipilit ang iyong partner. Dapat natural at kusa lang. Mararamdaman naman ng bawa’t isa kung kumportable at mapagkakatiwalaan na ang partner nila.
3. Bakit gusto niyo makuha ang password ng isa’t isa?
Kung ang dahilan ay wala kayong tiwala sa isa’t isa, maaaring may mas malalim na problema ang relasyon niyo na di malutas ng pagbigay lang ng password. Kelangan maging open kung bakit wala kayo tiwala sa isa’t isa.
Kung naisip mo na ang kawalan ng tiwala ang ugat ng iyong hinala, tanungin mo muna ang sarili kung bakit ganito ang nararamdaman. Dahil ba niloko ka dati ng iyong partner? O dahil may tinatago ka sa kanya na ayaw mong ipaalam?