Ang SSS: katulong sa pag-iimpok para sa kinabukasan
Kung kayo’y nag-empleyo na dito sa Pilipinas, marahil ay nakita na ninyo sa inyong payslip ang mga kaltas para sa inyong kontribusyon para sa SSS, sa PAG-IBIG Fund at para sa Philhealth. Siguro’y nainis pa nga kayo kasi ang maliit na kita’y nabawasan pa!
Pero alam ba ninyong ang mga ito ay mahusay na paraan para kayo’y makapag-impok ng pera? Opo, ang mga SSS, PAG-IBIG Fund at Philhealth ay mga pondo na nabubuo mula sa mga buwanang kontribusyon ng mga miyembro nito. Ang lathalaing ito ay tumutukoy sa SSS at ang mga susunod pang lathalain ay tatalakay naman sa PAG-IBIG Fund at Philhealth. Abangan ang mga susunod pang mga post.
Ano ang SSS?
Ang SSS ay isang insurance na binabayaran ng mga manggagawa. Ang kanilang mga kontribusyon at kinakaltas ng employer, at ito ay tinatapatan ng kontribusyon ng employer at inihuhulog sa SSS sa account ng empleyado.
Kailan ito nagsimlula?
Ang ating SSS dito sa Pilipinas ay itinatag noong panahon ng dating Presidenteng si Manuel Roxas noong taong 1948. Ito ay hango sa Social Security ng USA na inumpisahan ng dating Presidenteng si Franklin Delano Roosevelt. Ang pondo ay panagot para sa mga aksidente, pagkakasakit, biglaang kawalan ng trabaho (unemployement) at kawalan ng trabaho dahil sa katandaan.
Sinu-sino ang puedeng mag-miyembro sa SSS?
Ang lahat ng taong employed sa Pilipinas ay required na mai-rehistro sa SSS sapagkat compulsory ang coverage sa SSS ng lahat ng empleyado. Kung kayo’y self-employed (hindi kayo nangangamuhan, katulad ng mga propesyonal na nagpa-praktis ng kanilang propesyon), maaari kayong maging voluntary member. Kung kayo’y business-owner, kayo’y maaaring maging voluntary member. Tandaan din natin na ang mga katulong o kasambahay at mga family driver ay required na magkaroon ng SSS. Ang mga OFW na sa labas ng bansang Pilipinas nagta-trabaho ay maaari ding mag-miyembro ng SSS ay maghulog ng mga kontribusyon.
Paano kung ako’y hindi ipa-rehistro ng aking amo o kumpanya sa SSS?
Ang lahat ng mga nag-e-empleyo o nagta-trabaho sa Pilipinas ay dapat na irehistro ng kanilang mga employer o mga amo upang maging miyembro ng mga pondong ito. Kapag kayo’y nagtrabaho at kayo’y hindi inirehistro o ini-report ng inyong employer, kayo ay puedeng mag-habla sa SSS. Sa ilalim po ng batas, ang hindi pagre-rehistro ng empleyado sa SSS ay isang kasong kriminal. Ganoon din po ang hindi pag-re-remit ng mga kaltas para sa SSS ng mga empleyado.
Gaano katagal ako magiging miyembro ng SSS?
Kapag ikaw ay naging miyembro ng SSS, ikaw ay member for life. Kayo’y i-isyuhan ng SSS number at SSS ID. Ito ay government-issued at valid ID na puede ninyong gamiting proof ng inyong identity. Sa ngayon, ang SSS ID ay iyong tinatawag na UMID o Unified Multi-purpose Identification Card.
Sinu-sino ang makikinabang sa benepisyo ng miyembro mula sa SSS?
Ang isang miyembro ng SSS ay nagtatalaga ng beneficiary o mga taong malapit sa kanya upang tumanggap ng mga benepisyo kung sa kaling siya’y magretiro, magasakit, ma-aksidente o mamatay at hindi na makapag-trabaho pa. Ang legal spouse, ang mga legitimate, adopted at illegitimate na mga anak o, kung walang anak at asawa, ang mga magulang o kapatid ang puedeng maging mga beneficiary ng SSS ng isang miyembro.
Magkano ang kontribusyon sa SSS at gaano kadalas ito babayaran?
May mga rate na babayaran buwan-buwan ang miyembro ng SSS depende sa rate ng kanyang sahod. At ito ay parang maliit na impok para may makuhang benepisyo sa hinaharap. Ang mga empleyado o nangangamuhan ay buwanan ang kaltas sa suweldo para sa SSS contribution. Ang mga self-employed at voluntary member ay maaaring magbayad ng quarterly, semi-annually at yearly.
Anu-ano ang mga benepisyong makukuha mula sa SSS?
Ang mga benepisyo na makukuha sa SSS ay ang sickness, maternity, retirement, disability, death at funeral benefit.
Ang sickness benefit ay daily cash allowance na binibigay sa mga miyembro para sa mga araw na sila’y nagkasakit o naaksidente. Mayroon ding maternity benefit na ibinabayad sa mga babaeng hindi nakapag-trabaho dahil sa sila’y nanganak o nakunan. And retirement benefit ay cash na pension o lumpsum na ibinabayad sa miyembro na hindi na makapag-trabaho pa dahil sa katandaan. Mayroon ding disability benefit na ibinabayad para sa mga pinsalang natamo sa katawan ng miyembro na dahilan para hindi niya magampanan ang dating mga gawain. Mayroon ding Death Benefit na ibinabayad na monthly pension o lump sum na ibinabayad sa mga beneficiaries ng miyembro kapag ito’y namatay. Mayroon ding funeral benefit na maaring i-claim ng sinumang taong nagbayad para sa pagpapalibing sa miyembro ng SSS.
Marami ding mga loan na puedeng i-apply sa SSS tulad ng Salary Loan, Calamity Loan, business development loan at housing loan na puedeng makuha mula sa SSS.
So, para maliit na halaga buwan-buwan, maraming benepisyo kayong matatamo sa panahon ng mahigpit na pangangailangan.