Teka, tama ba ang intindi ko sa kuwento mo? Ikaw ay nagpakasal sa Pilipinas sa isang Hapones. Nagsama kayo ngunit makalipas ang panahon, kayo'y nagdiborsiyo sa Japan. Gusto mong malaman kung ikaw ay maaaring magpakasal sa boyfriend mo ngayong ikaw ay diborsiyado na mula sa dati mong asawang Hapones?
Tanong ko lang, noon bang ikinasal kayo sa Pilipinas, ikaw ba ay citizen pa ng Pilipinas? Yun bang Hapones ay naging citizen sa Pilipinas? Matapos kayong ikasal, ikaw ba ay naging Japanese citizen?
Mahalaga ang mga katanungang ito. Minsan kasi, basta't nag-asawa ng foreigner, yung mismong kasal ang dahilan para ang isang Pilipina ay maging citizen noong kanyang asawa -- ganoon din ba sa Japan? Ito'y mahalaga dahil sa kung ikaw ay Japanese citizen na, at ikaw ay magpapakasal sa bago mong boyfriend (Pilipino ba o taga-ibang bansa din? Hindi mo kasi niliwanag.)Bago kayo isyuhan ng Marriage License, hihingan ka muna ng Certificate of No Marriage. Ito ay isang katibayan mula sa NSO na ikaw ay hindi kasal sa iba kung kaya't ikaw ay malaya nang magpakasal sa iyong bagong boyfriend.
Kung ikaw ay Japanese citizen na (ang passport mo ay inisyu ng japanese government), ang Japanese government (yung kanilang NSO) ang mag-i-isyu ng Certificate of No Marriage sa iyo. Ngayon, kung ikaw ay isang Pilipino citizen pa rin, ang certificate of no marriage ay dapat i-isyu ng National Statistics Office (NSO). Ang problema mo'y kasal kayo dito sa Pilipinas. So, lalabas at lalabas ang dati mong kasal doon sa Hapon sa records ng NSO dito sa Pinas.
Ang puede mong gawin ay kumuha ng isang certified true copy ng divorce decree mula sa Japanese court na nag-diborsiyo sa inyo. Ito ay ipa-translate mo sa English. Subukan mong ito'y ipa-register sa NSO -- tignan mo kung papayag silang i-annotate sa Marriage Certificate mo na ang Marriage na iyon ay na-buwag na sa pamamagitan ng diborsiyo. Ang divorce decree na na-translate na ay kailangan mong ipa-red ribbon (ipa-authenticate sa consular office ng Pilipinas sa Japan) para ito ay maging official public document na authenticated as genuine para ito ay tanggapin dito sa Pilipnas bilang ebidensiyang ang dati mong kasal ay wala na.
Kung hindi papayag ang NSO, kailangan mong mag-file ng Petition sa RTC para ang diborsiyo mo sa Japan ay i-recognize ng Philippine courts. Ang husgado ang mag-uutos sa NSO na ilakip sa Marriage Certificate mo sa record nila na ang marriage na iyon ay napa-walang bisa na sa pamamagitan ng isang divorce. Pag nagka-gayon, tuwing hihingi ka ng Certificate of No Marriage, lalabas pa rin iyong kasal mo sa Hapones pero nakalagay doon na iyon ay dissolved by divorce. Puede ka na ulit magpa-kasal.
Sorry at hindi ko masigurong nasagot ko ang katanungan mo at kung ang sagot ko ay tugma sa tanong mo. marami ka kasing mga detalyeng hindi nabanggit na kailangan kong malaman upang makapag-bigay ng isang mahusay na kasagutan.
Anyway, kung mabasa mo ito, at nais mong mag-follow-up question, puede naman. Basta't sagutin mo lamang ang mga tanong ko sa itaas at nang ako naman ay maliwanagan din. Good luck sa iyo.