Dahil ang UAE ay isa sa mga bansa na napakaraming OFW, kadalasan na pinag-uusapan at pinag-iisipan ng mga kabayan dito ay ang pag-kuha ng 1 month o kaya ay 3 months (Single Entry) Visit Visa para sa kanilang kaanak o kaibigan na nais magpunta ng UAE. Ano nga ba ang pagkakaiba ng dalawa?
1 Month Visit Visa – Mayroon kang 30 days para manatili sa UAE. Ang bilang nito ay simula sa araw o petsa ng pagdating o pagtatak ng Immigration Officer sa Visa page. Ibig sabihin, kailangan mo na lumabas o mag-exit sa ika-30th day o isang araw bago mag-expire ang visa para makaiwas sa anumang penalty. Ang halaga ng pagkuha nito ay 400-450 Dirhams, depende sa presyo ng agency.
3 Months Visit Visa – Mayroon kang 90 days para manatili sa UAE at katulad ng nauna, ito ay magsisimula sa petsa ng pagdating mo sa UAE at pagtatak ng Immigration Officer sa Visa Page. Ang halaga naman nito ay umaabot ng 1200-1300 Dirhams.
Alin nga ba sa dalawa ang dapat kunin na Visa lalo na sa mga maghahanap ng trabaho o first time sa UAE?
Base sa aking personal na karanasan at sa mga ilang kaibigan din, mas okay na kumuha ng 3 months Visit Visa lalo na kung first time mo sa UAE at maghahanap ka ng trabaho. Napakarami ng trabahong pwedeng subukan mag-apply ngunit huwag kakalimutan na napakaraming aplikante rin ang naghahanap ng trabaho at kasabayan mo. Mas mahaba ang panahon, mas makakapili ka ng trabaho. Napakabilis ng isang buwan kung tutuusin dahil kahit nakahanap ka ng trabaho agad, ang pag-proseso ng aplikasyon ay medyo may katagalan din depende sa kumpanyang papasukan. Maswerte ka kung sa unang linggo mo pa lang dito ay makahanap ka na agad ng trabaho. Pero ito ay bihira mangyari.
Ang iba ay mas pinipili ang 1 buwan na visa dahil mas mura ito o kaya naman ay may nakaabang na trabaho kaya’t hindi na kailangan ng matagal na panahon o ng 3 buwan na Visa.
Para sa first timer, mas mainam ang 3 months visa dahil mas mahaba ang oras sa pag-apply at sa pag-ikot sa mga kumpanya. May panahon ka para makapili o kaya naman ay makapag-training at subukan kung gusto mo ang trabaho, mas konti ang “Pressure” ika nga. Minsan din ay mas gusto ng mga employer na mayroon pang sapat na panahon ang aplikante bago mag-expire ang visa dahil mas mabilis ma-proseso ang aplikasyon at maaari na nilang masubukan kung kakayanin mo ang trabaho. Bilang isang baguhan sa UAE, inaalam mo pa ang paraan ng pamumuhay ng mga OFW dito, ang patakaran at kung ano-ano pa.
Kung ikaw ay papalarin na makahanap ng trabaho agad o makalipas ang ilang araw, maaring ma-proseso ang employment visa sa loob ng dalawang linggo, kung ikaw ay may sapat na oras pa sa Visa, maari ka na lamang maghintay hanggang ma-aprubahan ang employment visa, maari rin itong bayaran ng kumpanya at hindi mo na kakailanganin mag-exit pa.
Mas mabuting pag-isipan kung ano ang mas mainam na klase ng Visit Visa ang dapat kunin at kung alin ang mas may benepisyo sa iyong katayuan.