Maraming kasabihan o paniniwala ang lumaganap tungkol sa mga balat sa mukha at katawan, o birthmarks. Naiiba ang mga paniniwala sa iba’t ibang bansa. Maaaring ang mga paniniwala nating mga Filipino ay iba sa mga tao na naninirahan sa Japan, China, USA, at iba pa. May mga kultura na naniniwala na ang mga taong may balat ay maaring mabuhay ng matagal o magkaroon ng biglang kamatayan. Sa Japan, pinaniniwalaan na kapag ang isang babae ay nakakita ng apoy habang siya ay buntis, magkakaroon ng balat ang kaniyang anak. Sa ibang kultura, ang balat ay sanhi ng mga malalakas na emosyon tulad ng takot o pangangamba ng isang ina habang siya ay nagbubuntis.
Ang iba naman ay naniniwalang ang pagkain ng mapupulang pagkain habang buntis ang dahilan ng pagkakaroon ng balat ng mga sanggol. At ang pinakabagong paniniwala naman ay tungkol sa exposure sa x-ray ng buntis kaya nagkakaroon ng birthmark ang kanyang nasa sinapupunan. May mga ilang paniniwala din ang mga Filipino tungkol sa mga balat. Narito ang mga ilang halimbawa:
- Ang taong may balat sa tiyan ay maramot.
- Balat na malapit sa bibig:
Kung lalaki—yayaman at magiging maligaya ang buhay
Kung babae—madaldal at sensitive
- Balat sa braso:
Kung lalaki—mahilig sa mga bata at homebody
Kung babae—independent at career ang priority sa buhay
- Ang taong may balat sa likod ay may malawak na pang-unawa at matapat.
- Balat sa kanang balikat—Makakamit ang magandang kapalaran.
- Balat sa kaliwang balikat—Gipit lagi sa pera.
- Ang taong may balat sa ilong ay pinaniniwalaang malikhain ngunit mahirap maintindihan ang ugali.
- Ang taong may balat naman sa ilalim ng mata ay pinaniniwalaang babaero kung siya ay lalaki.
Ang mga balat ay may ibang kahulugan sa mga ibang kultura na kung saan pinaniniwalaan ang reincarnation. May mga pagkakataon na pinaniniwalaan nilang ang balat ay isang sugat sa nakalipas na buhay ng isang tao. May mga taong naniniwala naman na ang mga balat ay nagdadala ng magagandang bagay. Sa mga Eurpoean countries, ang mga taong nakahawak ng balat ng ibang tao ay pinaniniwalang mabigbigyan ng swerte.
Kailangan nating mag-ingat sa pagbibigay ng opinyon sa mga taong may balat. Maari silang magkaroon ng emotional stress kapag nakapagsabi tao ng hindi magandang paniniwala. Dadalhin nila ito sa kanilang araw-araw na pamumuhay at maaaring hindi magdulot ng maganda sa kanilang trabaho o hanapbuhay. Kaya naman, napakahalagang malaman ang pinagmulan, dulot at maaaring treatment o paggamot ng isang balat sa medical na aspeto. Ang birthmark ay matuturing na isang sakit sa balat na lumilitaw sanhi ng mga abnormal pigment cells o maari ding abnormal blood vessels sa balat ng isang tao. May mga variations ang mga ito. May mga brown o pula, mayroon din naman flat o may kaunting pagangat. May mga birthmarks na nawawala sa pagtanda at mayroon naming lumalaki sa pagtanda ng tao. Karamihan sa mga birthmarks ay hindi nagdudulot ng anuman sakit pero may mga pagkakataon na tumataas ang risk ng isang tao sa skin cancer o iba pang sakit. Ilang sa mga uri ng birthmarks ay ang mga sumusunod:
- Blue – grey spot o Mongolian spot – kadalasan nakikita ito sa ibabang bahagi ng likod o sa may pwet ng isang sanggol. Kadalasan lumilitaw ito ilang linggo pagkapanganak at nawawala ito pagkalipas ng ilang taon.
- Café au lait macule – ito ang pinaka common na uri ng birthmark. Mas dark ito kumpara sa normal na kulay ng balat. Maaari itong makita sa iba’t ibang bahagi ng katawan at hindi ito nawawala. Kadalasan lumalaki ito sa paglaki din ng bata.
- Salmon patches - reddish – pink patch na birthmark na makikita sa mukha ng sanggol o sa batok. Ang mga salmon patches sa mukha ay nawawala pagdating ng bata sa toddler stage. Ang mga salmon patches naman na makikita sa batok ay maaring makita hanggang sa pagiging adult ng isang bata.
- Port-wine stains – maaaring lumitaw sa kahit na anong bahagi ng katawan pero kadalasan ay sa mukha at leeg. Pagkapanganak ng sanggol ay lumilitaw ito na reddish-pink ngunit sa paglipas ng panahon ay nagiging dark ito. Hindi nawawala ang ganitong klase ng birthmark at makikita ito habambuhay.
Ang iba pang uri ng birthmark na hindi gaanong nakikita sa mga sanggol ay ang congenital melanocytic nevus at infantile hemangioma. Mas makabubuting humingi ng medical advice sa pediatrician at para masuri ang balat ng iyong anak.