Ano ang kailangang malaman tungkol sa “ectopic pregnancy”? / Unsa ang kinahanglang mahibal-an mahitungod sa “ectopic pregnancy”? What is meaning
Sa normal na pagbubuntis, ang obaryo ay naglalabas ng itlog patungo sa “fallopian tube” kung saan ito at ang “sperm” ay nagtatagpo. Kapag nagtagpo ang dalawa, nagkakaroon ng fertilisasyon ng itlog at nagtutungo ito sa matres upang doon kumapit at patuloy na lumaki sa susunod na siyam na buwan. Subalit sa 1 sa bawat 50 pagbubuntis, ang fertilisadong itlog ay nananatili sa “fallopian tube”. Sa kasong ito, ito ay tinatawag na “ectopic pregnancy o tubal pregnancy”. Sa mga bihirang panahon, ang fertilisadong itlog ay kumakapit sa isa sa iyong obaryo, sa ibang “organ” o parte ng tiyan, o kahit pa sa “cervix” o sa bukasan ng matres. Sa kahit ano mang sitwasyon, imbes na nagdidiwang ka sa iyong pagbubuntis, matatagpuan mo ang iyong sarili sa panganib dahil ang “ectopic pregnancy” ay nangangailangan ng emerhensyang lunas. Kadalasan, ang “ectopic pregnancy ay nangyayari sa loob ng unang mga linggo ng pagbubuntis. Hindi mo nga siguro mamamalayang ikaw ay nagbubuntis, kaya naman hindi makakailang baka ikaw ay hindi makapaniwala sa nangyayari. Ang mga doktor ay karaniwang napag-aalaman ito sa ikawalong linggo ng pagbubuntis. Ang mga “ectopic pregnancy” ay nakakatakot at nakaka-panglumo rin. Ang sanggol ay maaaring hindi mabuhay – bagamat sa ilang napakabihirang pangyayari ay maaari siyang mabuhay. Kaya naman ito ay kawalan na maaaring matagalan pa bago maka-ahon ang magulang. Ngunit huwag masyadong mawalan ng pag-asa dahil kahit na ikaw ay nagkaroon ng ectopic pregnancy ay maaari ka pa ring magkaroon ng malusog na pagbubuntis pagdating ng panahon.
Dahilan ng “ectopic pregnancy”. / Hinungdan sa “ectopic pregnancy”. Causes
Ang isang dahilan ng “ectopic pregnancy” ay sirang “fallopian tube” na hindi tumutulong na palabasin ang fertilasong itlog patungo sa matres, kaya naman ito ay kumakapit sa “fallopian tube” o sa iba pang lugar. Maaaring hindi mo kailanman matutukoy ang dahilan ng iyong ectopic pregnancy subalit ikaw ay mas mataas ang tsansang magkaroon nito kapag ikaw ay:
· Kasalukuyang gumagamit ng “intrauterine device (IUD)”, isang klase ng “birth control”
· May kasaysayan ng pagkakaroon ng “pelvic inflammatory disease (PID)”
· Mayroong “sexually-transmitted diseases” tulad ng tulo at “chlamydia”
· May abnormalidad sa “fallopian tube” buhat pa lamang sa iyong kapanganakan
· May kasaysayan ng operasyon sa bewang
· Nakaranas na ng “ectopic pregnancy” noon
· Gumagamit ng gamot na nakakapagtaas ng tsansang magbuntis
Sintomas / Mga balation, Signs, symptoms
Sa simula, ang “ectopic pregnancy” ay maaaring walang dalang kahit anong sintomas. Sa ibang kaso naman, ang unang lumalabas na sintomas ay kahalintulad ng sa anumang pagbubuntis – hindi dinatnan ng buwanang-daloy, nanakit na dibdib at pagsusuka. Kapag ikaw rin ay nag-“pregnancy test”, ang resulta ay positibo. Subalit, ang “ectopic pregnancy” ay hindi nagpapatuloy nang normal. Ang pananakit ng tiyan at bewang at kaunting pagdurugo sa puwerta ang mga unang senyales ng “ectopic pregnancy”. Kapag may dugo na lumalabas sa “fallopian tube”, posible ring makaramdam ng pananakit ng balikat at pagkakaroon ng pakiramdam na natatae. Ang malakas na pagdurugo ay hindi pangkaraniwan, pwera nalang kung ang “ectopic pregnancy” ay nasa bukasan ng matres. Kapag ang “fallopian tube” ay pumutok, nagkakaroon ng pagdurugo sa loob ng tiyan – at susunod ang pagkahilo, pagkawala ng malay at pagbaba ng blood pressure.
Paano lulunasan ang “ectopic pregnancy”? / Unsaon pagtambal ang “ectopic pregnancy”? Remedy, treatment, cure, medication
Ang fertilisadong itlog ay hindi mabubuhay sa labas ng matres. Upang maiwasan ang seryosong komplikasyon, ang parte ng may “ectopic pregnancy” ay kailangang tanggalin. Kapag ang “ectopic pregnancy” ay natukoy kaagad, ang ineksyon ng gamot na “methotrexate” kung minsan ay ginagamit upang pigilan ang paglaki at tuluyang lusawin ang nabuong fertilisadong itlog. Sa ibang mga kaso, ito ay ginagamot sa pamamagitan ng “laparoscopic surgery”. Sa operasyon na ito, isang maliit na gilit ang ginagawa sa tiyan malapit sa pusod at pinararaan dito ang tubo na may kamera upang makita ang nasa loob. Pagkatapos nito ay may pinapasok pang ibang instrumento upang matanggal ang hindi kailangang “tissue” at upang i-repair rin ang “fallopian tube”. Kapag sobra-sobra ang pagdurugo sa loob ng tiyan, maaaring kailanganing operahan at buksan ang tiyan.
Paano maiiwasan ang “ectopic pregnancy”? / Unsaon paglikay nga magka-ectopic pregnancy?
Hindi mo mapipigilan ang ectopic pregnancy subalit maaari mong bawasan ang mga dahilan na nagpapataas ng iyong tsansang magkaroon nito. Halimbawa ay maging tapat sa asawa at huwag magkaroon ng maraming “sexual partners” upang hindi makakuha na Sexually Transmitted Diseases. Kapag ikaw ay nagka-ectopic pregnancy noon, makipag-usap muna sa iyong doktor kung sakaling may planong magbuntis ulit.