Ang glue ear ay isang karaniwang kondisyon sa pagkabata kung saan napupuno ng fluid ang gitnang bahagi ng tainga. Ang medikal na katawagan sa glue ear ay otitis media with effusion (OME).
Tinatayang isa sa bawat limang bata na nasa edad dalawa ang maaapektuhan ng glue ear sa anumang oras, at halos 8 sa bawat 10 bata ang nagkaroon ng glue ear nang hindi bababa sa isang beses pagdating nila ng 10 taong gulang.
Ang pinakapangunahing sintomas ng glue ear ay ang pagkawala ng pandinig sa isa o parehong tainga. Kadalasang kahalintulad ito ng iyong mararamdaman kapag tinakpan mo ng mga kamay ang iyong mga tainga. Kabilang sa mga palatandaan na maaaring mayroong problema ang iyong anak sa kanyang pandinig ay:
- Kahirapang sumabay sa mga pag-uusap
- Pagiging iritable at madaling magalit dahil nais nilang mas makarinig nang malinaw
- Regular na pagpapalakas ng volume ng telebisyon
Kontakin ang iyong doktor kung mayroon kang anumang alalahanin hinggil sa pandinig ng iyong anak.
Ano ang dahilan ng glue ear?
Ang gitnang bahagi ng tainga ay ang bahagi ng taingang nasa likuran ng eardrum. Mayroon itong tatlong maliliit na buto na nagdadala ng mga vibration ng tunog mula sa eardrum tungo sa panloob na bahagi ng tainga. Ang pagdami ng fluid na may kinalaman sa glue ear ang pumipigil sa mga butong iyon na gumalaw nang maayos, na nakakaapekto sa pandinig dahil hindi sila makapagpasa ng mga vibration ng tunog sa panloob na bahagi ng tainga.
Hindi malinaw kung ano eksakto ang dahilan ng pagdami ng fluid na ito, ngunit lumalabas na may kaugnayan ito sa problema sa tubo na kumokonekta sa gitnang bahagi ng tainga at likuran ng lalamunan (Eustachian tube). Isa sa mga pangunahing gamit ng Eustachian tube ay tumutulong na maalisan ng tubig ang gitnang bahagi ng tainga.
Pinaniniwalaan na ang mga problema sa Eustachian tube ay ibinubunga ng mga bagay tulad ng naunang impeksyon sa tainga, iritasyon o mga allergy sa usok. Ang glue ear ay hindi dahil sa pagdami ng tutuli, o pagpasok ng tubig sa tainga matapos lumangoy o maligo.
Iba pang mga salik na pinaniniwalaan ding nagpapataas ng tsansang magkaroon ng glue ear:
paglaki sa tahanan kung saan naninigarilyo ang mga matatanda
pagsuso sa bote sa halip na sa ina
pagkakaroon ng mga kapatid na nagkaroon na ng kondisyong ito
Magbasa ng higit pa tungkol sa mga dahilan ng glue ear at pagpigil sa pagkakaroon ng glue ear.
Paggagamot sa glue ear
Karamihan ng mga kaso ng glue ear ay hindi nangangailangan ng pagpapagamot hangga’t sa bumubuti ang kondisyon sa kanyang sarili, kadalasang sa loob ng tatlong buwan.
Kadalasan, inirerekomenda lamang ang pagpapagamot kapag tumatagal nang higit sa tatlong buwan ang mga sintomas, at pinaniniwalaang masyadong malala ang pagkawala ng pandinig sa puntong nagiging sagka na ito sa pag-unlad ng pananalita at lingguwahe ng bata.
Sa mga kalagayang ito, kadalasang mahahamot ang glue ear sa pamamagitan ng minor na operasyon, kung saan mayroong inilalagay na maliliit na tubo (mga grommet) sa tainga upang maalis ang fluid.
Mga Komplikasyon ng glue ear
Kabilang sa mga posibleng komplikasyon ng glue ear ay mga impeksyon sa tainga at, kung mas malala ang pagkawala ng pandinig, minor na pansamantalang pagkaantala ng pag-unlad ng pananalita at lingguwahe. Ang ilan sa mga problemang may kaugnayan sa glue ear ay mabilis na bumubuti nang hindi kinakailangang gamutin, bagama’t sa ibang pagkakataon ay kakailanganin din ang patuloy na paggagamot.
Mga matatandang may glue ear
Pana-panahon, maaaring magkaroon ng glue ear ang mga matatanda.
Sinusuri ito at ginagamot sa parehong paraan ng paggamot sa mga bata.
Kung walang makikitang pagbuti ng mga sintomas sa loob ng humigit-kumulang tatlong buwan, maaaring lagyan ng mga grommet sa loob ng tainga upang alisin ang fluid mula dito.