Ang mga sumusunod na visa ay HINDI mga visa para sa paninirahan sa Estados Unidos ng permanente. Ang mga visa na ito ay limitado lamang para sa mga particular na layunin.
Para sa ibang mga visa, maaaring sumama ang pamilya ng aplikante bilang mga “dependent”, ngunit mainam na kumpirmahin kung anong klase ng mga visa ang pwede para sa pamilya ng aplikante bago simulan ang pag-aplay.
Mga klase at layunin:
B-1/B-2 Visa
Ang B-1 at B-2 visa ay binibigay sa mga manlalakbay na nais pumunta sa Estados Unidos pansamantala lamang. Ang pinakamahabang ng pananatili sa Estados Unidos sa bawat bisita ay anim (6) na buwan, ngunit maaari itong ipa-extend hanggang isang (1) taon. Ang visa ay maaaring para sa iisang pagbiyahe (single entry) lamang o maramihan (multiple entry), at ang pagkabisa nito ay maaaring isa (1) hanggang sampung (10) taon.
Ang B-1 visa ay binibigay para sa mga lalakbay para sa negosyo o komersyal na layunin, tulad ng pagdalo ng mga miting, pagpupulong (conference), training program, at iba pang katulad na kaganapan.
Ang B-2 visa naman ay binibigay sa mga lalakbay bilang turista, sa mga biyahero na nais tumanggap ng medikal na tulong sa Estados Unidos (medical treatment), at sa mga nais dumalo sa mga social at musical events kung saan hindi binabayaran ang biyahero para sa kanyang pagdalo.
K-1 Visa
Ang K-1 visa ay binibigay sa dayuhan na balak pakasalan ang kanyang US Citizen na nobya/nobya sa Estados Unidos. Kailangan magpakasal ang mag-kasintahan sa loob ng siyamnapung (90) araw mula sa pagdating ng dayuhan ng nobyo/nobya sa Estados Unidos.
Ang mga magpapakasal ay kailangang nagkita ng personal sa loob ng dalawang (2) taon bago mag-aplay ng visa. Kailangan rin na pareho silang hindi kasal sa ibang tao.
Ang K-1 visa ay hindi isang immigrant visa at hindi rin ito isang Green Card. Pinapayagan lang nito ang dayuhan na nobyo/nobya na bumiyahe sa Estados Unidos para lamang magpakasal. Pagkatapos ng kasal, maaari ng palitan ang status ng dayuhan.
F-1 Visa
Ang F-1 visa ay binibigay sa mga dayuhan na nais mag-aral sa Estados Unidos. Hindi kasama dito ang mga vocational at iba pang non-academic program. Bago mag-aplay ng visa, kailangan muna matanggap ang aplikante sa isang sertipikadong Student and Exchange Program (SEVP) na paaralan. Kasama dito ang pag-aaral mula sa elementary school hanggang sa post-graduate na pag-aaral. Pinagbabawal lamang ang mga dayuhan sa pag-aaral sa mga pampublikong elementary school.
Kung balak lamang kumuha ng vocational program at iba pang pag-aaral na hindi para sa pagkuha ng degree, ibang klase ng visa ang kakailanganin.
J-1 Visa
Ang J-1 visa ay binibigay sa mga nais maglakbay sa Estados Unidos para lumahok sa mga sertipikadong Exchange Visitor Program. Kasama dito ang mga programa ng pagtuturo, pananaliksik, training para sa trabaho, at marami pang iba. Lahat ng aplikante ay kailangang natanggap ng mga awtorisadong program sponsor.
H-1B Visa
Ang H-1B visa ay binibigay sa mga nais magtrabaho sa Estados Unidos sa isang “specialty occupation”. Ang mga specialty occupation ay ang mga trabaho na nangangailangan ng mataas na kwalipikasyon at mga propesyonal. Ang aplikante ay kailangan matanggap muna sa isang “specialty occupation” sa Estados Unidos bago mag-aplay ng visa. Pagkatapos nito, ang kompanya na tumanggap sa aplikante ay kailangan magpasa ng Petition para sa aplikanta sa US Citizenship and Immigration Service. Pagkatapos lamang nito maaaring mag-aplay ng visa ang aplikante.
L-1 Visa
Ang L-1 visa ay bininibigay sa mga magtatrabaho sa Estados Unidos dahil sila ay nilipat sa isang branch, affiliate, or subsidiary ng kanilang kompanysa sa Estados Unidos,.
Ang L-1A visa ay para sa mga aplikante na may managerial o executive na level na posisyon, at ang L-1B visa ay para sa mga aplikante na magtatrabaho sa isang “specialized knowledge capacity”. Para sa parehong visa, kinakailangan na ang aplikante at nakapag-trabaho na sa kanilang kompanya ng di bababa sa isang (1) taon sa loob ng nakaraang tatlong (3) taon bago siya mag-aplay ng visa.