ANO KAHULUGAN AT HALIMBAWA NG MATALINHAGANG PAHAYAG O SALITA SA PANGUNGUSAP? Ano ang Sawikain, idyoma o idioms?

Cristina Daigo
is a Teacher in the Philippines

Ano ibig sabihin o Kahulugan ng mga Matalinhagang Pahayag? Ano Halimbawa ng Matalinhagang salita sa pangungusap?

Ang wikang Filipino ay hitik sa mga matatalinhagang salita. Ito ay ang mga pahayag na may malalim o hindi tiyak na kahulugan, dahil hindi literal ang kahulugan ng salita kung hindi naglalarawan lamang ng makasagisag. Sinasalamin nito ang kagandahan at pagkamalikhain ng mga Pilipino sa paggamit ng sariling wika sa pamamaraang pasulat o pasalita.

Ang mga sumusunod ay halimbawa ng mga matatalinhagang mga salita at ang kahulugan nito.

Matalinhagang Pahayag = Kahulugan
1. Anak dalita = Mahirap
2. Taingang kawali = Nakukunwaring walang narining o nagbibingi-bingihan
3. Pantay na ang mga paa - Namatay o namayapa na
4. Balitang kutsero = Balita o kwentong hindi totoo o walang konkretong batayan
5. ‘Di makabasag pinggan = Mahinhin
6. Pinagbiyak na bunga = Magkahawig o halos pareho ang hitsura
7. Tulog mantika = Mahimbing na pagkatulog
8. Usad pagong = Mabagal na pagkilos o paggalaw
9. Magdilang-anghel = Umaasa na magkatotoo ang hinihiling
10. Pagputi ng uwak = Walang kasiguraduhan o walang maasahan
11. Tinik sa lalamunan = Sagabal sa ninanais
12. Makapal ang palad = Masipag
13. Mababaw ang luha = Madaling maiyak
14. Nagbibilang ng poste = Walang trabaho o tambay
15. Ibaon sa hukay = Kalimutan ang mga bagay o pangyayaring pinagdaanan
16. Putok sa buho = Hindi tunay na kadugo
17. Nakalutang sa ulap = Masayang-masaya
18. Butas ang bulsa = Ubos na ang pera
19. Magsunog ng kilay = Mag-aral nang mabuti
20. Ilista sa tubig = ikalimutan na lang
21. Pag-iisang dibdib = Pagpapakasal

Ang mga sumusunod ay halimbawa ng mga pangungusap kung saan ipinapakita ang paggamit ng matalinhagang salita.

Matalinhagang Pahayag - Halimbawa ng pangungusap na ginamitan ng matalinhagang salita.
1. Anak dalita
Halimbawa: Nagsusumikap sa pag-aaral si Juncel sa kabila ng pagiging isang anak dalita.

2. Taingang kawali
Halimbawa: Umiral nanaman ang taingang kawali ni Fidel nang tawagin siya ng kaniyang ina para maghugas ng pinggan.

3. Pantay na ang mga paa
Halimbawa: Ikinagulat ng pamilya ni Sarah ang balitang pantay na ang mga paa ng kaniyang ama na nagtatrabaho sa Zamboanga.

4. Balitang kutsero
Halimbawa: Pawang balitang kutsero pala ang pagkakapanalo ni Theresa sa paligsahan sa pagkanta.

5. ‘Di makabasag pinggan
Halimbawa: Kinagigiliwan si Princess ng kaniyang guro dahil siya ay ‘di makabasag pinggan sa klase.

6. Pinagbiyak na bunga
Halimbawa: Parang pinagbiyak na bunga na ang matalik na magkaibigan na sina Ard at Louis.

7. Tulog mantika
Halimbawa: Kahit anong ingay sa labas ay tulog mantika pa rin si Irene sa sobrang pagod sa maghapong pagtatrabaho.

8. Usad pagong
Halimbawa: Halos araw-araw na lang na usad pagong ang mga sasakyan sa Metro Manila.

9. Magdilang-anghel
Halimbawa: Magdilang-anghel sana ang aming sekretarya sa paparating na karagdagang suweldo.

10. Pagputi ng uwak
Halimbawa: Sa pagputi pa ng uwak mababayaran ni Jonas ang utang niya sa akin.

11. Tinik sa lalamunan
Halimbawa: Tinik sa lalamunan ni Jocelyn ang kabubukas pa lamang na tindahan sa palengke.

12. Makapal ang palad
Halimbawa: Makapal ang palad ni Dexter kaya naipagawa niya ang kaniyang pangarap na bahay.

13. Mababaw ang luha
Halimbawa: Talagang mababaw ang luha ng Anna kahit na nakakatawa ang palabas sa telebisyon.

14. Nagbibilang ng poste
Halimbawa: Ilang buwan na ring nagbibilang ng poste si Rose mula nang matapos ang kaniyang kontrata sa bentahan ng sapatos.

15. Ibaon sa hukay
Halimbawa: Mukhang naibaon na sa hukay ang mga magagandang asal na tinuro ngating mga ninuno.

16. Putok sa buho
Halimbawa: Palaging tinutukso ng mga nakatatandang kapatid ni Ian na siya ay putok sa buho.

17. Nakalutang sa ulap
Halimbawa: Tila lumulutang sa ulap si Cristina nang natanggap niya ang regalong bakasyon sa patimpalak.

18. Butas ang bulsa
Halimbawa: Kahit na katatangap pa lamang ni Linny ang kaniyang sweldo ay nabutas na ang kaniyang bulsa dahil sa bayarin sa kuryente at tubig.

19. Magsunog ng kilay
Halimbawa: Nagbunga na rin ang kaniyang mahabang taon na pagsusunog ng kilay sa kolehiyo.

20. Pag-iisang dibdib
Halimbawa: Sa wakas ay natuloy na rin ang matagal nang hinihintay na pag-iisang dibdib nina Maria at Romeo.


Sunod: Ano mga uri ng matalinhagang pahayag o tayutay? 

Sanggunian: Antonio, E. et.al. 2015. “Yamang Filipino: batayan at sanayang aklat sa Filipino”

About the author

Cristina Daigo

Profession: Teacher
Philippines , Guimaras , n/a

 

Reply as anonymous (Your real name and picture will not be seen)
The medical information contained in this section is not intended for treatment or prescription. It is used to complement, not replace, the communication between a patient and their physician. Reliance on any information provided by BuhayOFW or any medical experts is solely at your own risk. If you have a medical emergency, call your doctor or go to the hospital immediately. BuhayOFW's Medical Review Board is a team of board-certified doctors who ensure our content is medically accurate and reflects the latest in health information. Our experienced board of medical professionals verify that our content is thorough and all-inclusive, in order that you can trust the information you read here will help you through improvements in your health journey—whether that’s for yourself or for a loved one.

Disclaimer: The materials on the Buhay OFW Website are for general information purposes only and should not be construed as religious advice, spiritual advice, opinion or any other advice on any specific facts or circumstances. Readers should not act or refrain from acting upon this information without seeking professional advice. Transmission of information on or by use of this Website is not intended to create, and receipt does not constitute, a client relationship between the sender and receiver. Photographs and other graphics used on this website may be for dramatization purposes only, and may include models or stock photos. Likenesses do not necessarily imply current client, membership, partnership or employee status.