Kinikilala bilang “Da King”, si Fernando Poe Junior ay bumida sa higit 200 na pelikula. Minahal siya ng masa dahil sa paglalarawan niya sa buhay ng mga mahihirap at inaapi.
Pamilya at Unang Bahagi ng Buhay
Ang tunay niyang pangalan ay Ronald Allan Kelley Poe. Ipinanganak siya sa Maynila noong ika-20 ng Agosto 1939 sa mag asawang Allan Fernando Poe (Fernando Poe Sr.), isang aktor na galing Pangasinan at Elizabeth “Bessie” Kelley na isang Irish-American. Siya ang pangalawa sa anim na magkakapatid. Ginamit niya ang screen name na Fernando Poe Jr. para samantalahin ang kasikatan ng kanyang ama, kahit na ang tunay na junior ay ang kapatid niyang si “Andy”(Fernando II).
“Pou” ang orihinal na baybay ng kanilang apelyido mula sa kanyang lolo na sai Lorenzo Pou, isang migrante mula Majorca, Spain na dumating sa bansa par magtaguyod ng negosyo sa pagmimina.
Tinapos niya ang kanyang primarya sa San Beda College at sekundarya, sa San Sebastian College. Nag-aral siya sa Mapua Institute of Technology at University of the East para sa kanyang kolehiyo ngunit hindi niya ito natapos dahil kinailangan niyang magdoble-kayod nang maging breadwinner matapos mamatay ang ama sa sakit na rabies.
Ikinasal siya kay Susan Roces (tunay na pangalan: Jesusa Sonora) noong Disyembre 1968. Dahil hindi nabiyayaan ng anak, kinupkop nila ang batang si Grace Poe na ngayon ay isang senador. Nagkaroon ng anak na lalaki si FPJ mula kay Anna Marin na pinangalanag Ronian. Nagkaroon rin siya ng anak na babae mula sa dating aktres na si Rowena Moran. Ang batang ito ay pinangalanang Lourdes Virginia, isang aktres, model at recording artist na mas kilala sa kanyang screen name na Lovi Poe.
Buhay-Artista
Nagsimula siyang mamasukan sa industriya ng pelikula bilang isang mensahero. Di kalaunan ay naging stuntman siya sa ilang pelikulang ginawa ng Everlasting Pictures. Una siyang naging pangunahing cast sa pelikulang Anak ni Palaris (1955). Hindi masyadong pumatok sa takilya ang naturang pelikula. Ang pelikulang Lo Waist Gang (1957) ang nagpasikat sa kanya. Dahil sa pelikulang iyon, nauso ang mga low-waist na pantalon.
Sumikat si FPJ sa kanyang mga pelikula na naglalarawan sa kanya bilang tagapagtanggol ng mga mahihirap at inaapi. Noong 1961 ay itinatag niya ang FPJ productions at di kalaunan ay nagtayo ng iba pang mga film company.
Si FPJ ang may hawak ng titulo bilang aktor na may pinakamaraming FAMAS awards. Ilan sa mga pelikulang nakasungkit ng parangal ay ang Mga Alabok ng Lupa (1967), Asedillo (1971), Durugin si Totoy Bato, Umpisahan Mo, Tatapusin Ko (1983) at Muslim Magnum .357 (1985).
Ang huling pelikula na kanyang ginawa ay ang Pakners kung saan nakatrabaho niya ang Filipino Billiards Hall of Famer na si Efren “Bata” Reyes.
Pulitika at Kamatayan
Tumakbo si FPJ sa pagkapangulo noong May 10, 2004 elections. Siya ang ginawang kandidato ng KNP o Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino. Tinalo siya ng katunggaling si Gloria Macapagal Arroyo ng 1.1 million votes.
Isinugod siya sa St. Luke’s Medical Center sa gabi ng Disyembre 11, 2004 matapos dumaing ng pagkahilo sa isang Christmas party. Nagcoma siya matapos mastroke habang ginagamot ang nanuyong dugo(clot) sa kanyang utak. Disyembre 14, alas 12:01 ng gabi, binawian siya ng buhay.
Milyun-milyon ang dumalaw at nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa kanyang lamay at libing sa Manila North Cemetery.