Kilala ng halos lahat ng Pilipino bilang ang taong sumulat ng liriko ng pambansang awit ng Pilipinas, lingid sa karamihan ang ibang detalye sa buhay ni Jose Palma. Hindi lamang pala siya isang dakilang manunulat, kundi naging aktuwal na kasapi rin ng sandatahang lakas ng Katipunan.
· Si Jose Palma y Velasquez ay tubong Tondo, Maynila. Ipinanganak siya noong Hunyo 3, 1876 sa mag-asawang Don Hermogenes Palma at Hilaria Velasquez.
· Ang kapatid niyang si Rafael ang naging pang-apat na pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas.
· Una siyang nag-aral sa Tondo at lumipat sa Ateneo Municipal (Ateneo de Manila University). Habang naroroon ay hinasa niya ang kanyang galing sa paggawa ng mga taludtod.
· Isa sa mga una niyang akda ay ang La Cruz de Sampaguitas (1893).
· Nagkaroon siya ng relasyon sa isang babaeng nagngangalang Florentina Arellano. Naging maikli lamang ang relasyong ito dahil tutol ang mga magulang ng babae.
· Hindi niya natapos ang kanyang pag-aaral dahil sumapi siya sa Katipunan noong 1894. Naakit siya ng kisig ni Heneral Gregorio del Pilar sa pakikidigma.
· Hindi siya sumali sa mga labanan sa unang bahagi ng rebolusyon noong 1896. Noong 1899 na lamang siya aktuwal na nagsilbi bilang sundalo sa pamumuno ni Colonel Servillano Aquino – lolo ni Benigno “Ninoy” Aquino Jr. – sa mga labanan kontra-Amerika sa mga bayan ng Angeles at Bambang.
· Dahil hindi kaya ng kanyang katawan ang hirap na dulot ng bakbakan, madalas siyang naiiwan sa mga kampo. Dito ay inaaliw niya ng kundiman ang mga kasundaluhan.
· Sumapi siya sa opisyal na pahayagan ng rebolusyon, ang La Independencia. Nagsulat siya para sa Tagalog section ng pahayagan. Dito ay inatake niya ang mga Amerikano sa paraang di niya magawa sa aktuwal na labanan. Madalas inaaliw ni Palma at ng kanyang mga kasamahan sa pahayagan ang kanilang mga sarili ng mga tula at kanta. Ginagawa nila ito sa oras ng pahinga o kaya ay sa mga martsa palayo sa mga tumutugis na Amerikano.
· Sa bahay ni Doña Romana G. vda de Favis sa Bautista, Pangasinan, isinulat ni Jose Palma ang “Filipinas”.
· Dahil likas na mahilig maglapat ng sariling titik sa mga sikat na tugtugin ng kanyang panahon kaya hindi na naging kataka-taka nang ang kanyang akdang “Filipinas” ay inilapat sa tonong “Marcha Nacional Filipina” ni Julian Felipe na kinatha isang taon na ang nakalipas.
· Noong 1899, tuluyang nabihag ng mga Amerikano ang pahayagan ng kilusan. Bumalik siya at ang kapatid na si Rafael sa Maynila. Doon ay kinuntsaba nila si Juan Abad para bumuo ng bagong pahayagan. Tinawag nila itong Laong-Laan. Hindi naman ito nagtagal dahil mabilis itong napansin ng mga Amerikano. Nagdulot ito ng maikling pagkakakulong ni Palma.
· Setyembre 3, 1901, itinatag ang El Renacimiento sa pagpapatnugot ni Rafael Palma. Inimbita si Jose na magsulat ng column ng pahayagan. Isinulat niya rito ang Vida Manileña sa sagisag na Esteban Estebañez at Cuartilla Licerarias sa sagisag na Juventino. Ilan pa sa ginamit niyang sagisag ang Ana Haw at Gan Hantik para sa mga tula at maiikling kuwento tulad ng Comercio, La Moda Filipina, La Patria, La Union at Revista Catolica.
· Noong Pebrero 12, 1903, sa edad na 27, si Jose Palma ay namatay sa sakit na tuberkulosis. Bilang pagbibigay karangalan sa kanya, inilathala ng kanyang mga kapatid na si Manuel at Rafael Palma at kabibigang si Cecilio Apostol ang isang koleksyon ng kanyang mga tula mula 1893 hanggang 1903 noong 1912. Pinamagatan nila itong Melancolicas.