Ang Kanyang Kwento ng Inspirasyon
Naging laman ng mga pahayagan hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang panig ng mundo ang naging buhay ni Sarah Balabagan. Siya ay nakulong sa United Arab Emirates mula 1994 hanggang 1996. Siya ay naunang hinatulan ng death penalty ngunit kalaunan ay napalaya at naibalik sa bansa.
Ang kaso niya ay huma-highlight sa kalagayan ng libo-libong mga Pilipina na nauudyok na mangibang-bansa dahil sa kahirapan. Dahil dito, ang kanyang buhay ay isinadula sa pelikulang “The Sarah Balabagan Story (1997)” sa direksyon ni Joel Lamangan at pinagbidahan ni Vina Morales. Naunang inalok ng direktor si Sarah na gumanap bilang sarili niya sa pelikula ngunit mariin niya itong tinanggihan sa kadahilanang labag umano ito sa pananampalatayang Islam.
Si Sarah ay lumaki sa isang mahirap na pamilyang Muslim sa Sultan Kudarat, Maguindanao. Nagkaroon siya ng labing-tatlong kapatid subalit anim lamang dito ang nabuhay. Namatay ang mga ito dahil sa sakit, at dahil na rin sa matinding kahirapan, walang maipangtustos ang pamilya para ipagamot ang mga ito. Siya ay namasukan sa mga kamag-anak para tustusan ang kanyang pag-aaral. Sa kabila ng kanyang pagsisikap, umabot lamang siya hanggang ikalimang baitang.
Sa edad na 14, nagdesisyon siyang magtrabaho sa abroad. Inilista siya bilang 28 taong gulang ng kanyang recruiter para mahanapan ng trabaho. Nalaman lamang niya ang kasinungalingang ito noong lumipad na siya patungong Dubai. Ayon sa kanyang kontrata, siya ay naatasang mag-alaga kay Almas-Mohammed al-Baloushi, 67 taong gulang na biyudo at may apat na mga anak na lalaki. Kahit kinakabahan siya sa kanyang sitwasyon, kinumbinsi niya ang sarili na rerespetuhin siya ng kanyang mga amo dahil pareho silang mga Muslim. Ngunit nagkamali siya. Dinanas ang madalas na sexual harrassment.
Noong ika-19 ng Hulyo 1994, napatay niya ang kanyang amo sa pamamagitan ng pagsaksak ng 34 na beses. Inamin niya ang kanyang nagawa subalit iginiit na iyon ay self-defence lamang dahil tinangka siyang gahasain ng naturang amo. June 26, 1995, nahatulan siyang guilty sa kasong manslaughter kahit napatunayang biktima nga siya ng rape. Ang sentensya niya ay pitong taon na pagkakakulong at halagang 150,000 dirhams bilang blood money sa mga kaanak ni al-Baloushi. Pinababayad naman ng 100,000 dirhams ang pamilya ni al-Baloushi bilang danyos sa pagkaka-rape sa kanya. Gayunpaman, umapela ang mga al-Baloushi para ibahin ang desisyon at isulong ang parusang kamatayan. September 6, 1995, isang Islamic na korte ang nagsabing walang nakitang ebidensya ng rape at hinatulan si Sarah ng death by firing squad. Lumikha ito ng ingay sa iba’t ibang sulok ng mundo. Maraming naniniwalang hindi patas ang hatol at nagpapakita ito ng hindi makatarungan na pagtrato sa mga domestic helpers sa mga bansang sakop ng UAE.
Ayon sa mga ulat, kinailangan pang personal na umapela sa pamilya al-Baloushi ang Presidente ng UAE na si Zayed bin Sultan Al Nahyan bago pa inatras ng pamilya ang parusang kamatayan kapalit ang blood money. Noong Oktubre 23, sa kanyang ikatlong paglilitis, ang sentensya ni Sarah ay ibinaba sa isang taong pagkakakulong, 100 na hampas ng kahoy, at ang nasabing blood money, na binayaran ng isang Pilipinong congressman. Nakauwi siya sa Pilipinas noong Agosto 1, 1996 at sinalubong ng isang hero’s welcome – dahil sa pagsasalamin niya sa masalimuot na sinasapit ng ilang OFW sa kamay ng mga banyaga.
Kaagad matapos makabalik ng bansa ay pumasok siya sa mundo ng pagkanta. Noong 2003, nakilala niya ang Kristiyanong mang-aawit na si Dolce Amor na nagpakilala naman sa kanya sa pastor na si Reverend Gasty Maribojoc. Nahikayat si Sarah na tanggapin ang Kristiyanismo.
Ngayon ay naka-base si Sarah sa California. Ibinabalik niya ang tulong na natanggap sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga “inspirational talks” sa mga pagtitipon ng mga OFWs.